Kabanata 2
Alas-otso y medya, umaandar na 'yung van, pero hindi pa rin ako makagalaw sa pinto ng lobby.
Tumawag ulit 'yung garage owner sa speaker ng director. "Bernabe rides with you. In case it dies again."
"Thank you, thank you so much, I'm sorry for the trouble," sabi ng director.
Kaya ganoon. 'Yung driver sa manibela, si Nonoy sa harap, ako sa likod kasama 'yung matandang mekaniko, nakabalot sa dalawang kumot, naka-cap pa rin.
Tahimik ang lahat. Puro slush ang kalsada, mabagal ang takbo namin, at 'yung wiper, paulit-ulit, parang hindi natatapos.
Tiningnan ako ng matanda. Tapos tiningnan niya 'yung likod ng ulo ni Nonoy. Tapos ako ulit.
"You two know each other?"
"No." Sabay kami. Parehong isang salita.
Tumawa 'yung matanda. Tumawa siya hanggang sa inubo siya, at hinawakan ko 'yung likod niya hanggang tumigil.
"Sure," sabi niya. "Sure."
Walang umimik hanggang hospital.
Alas-onse, nasa waiting room na ako ng dialysis unit. Nakapasok na si Sir, naka-kabit na, tahimik na. Dalawang upuan lang ang layo namin ni Nonoy. Tumutulo 'yung denim jacket niya sa sahig. Nakatitig siya sa kamay niya, pagkatapos sa akin.
Tiningnan ko 'yung daliri niya.
Wala. Walang singsing.
Pero tiningnan ko pa rin 'yung sarili kong kamay, 'yung basag na balat sa mga buko ko, 'yung bakanteng espasyo kung nasaan 'yung singsing kaninang umaga.
Binuksan ko 'yung phone ko. Hinanap ko 'yung picture. Tapos inangat ko sa harap niya, sa tapat mismo ng mukha niya.
"Congrats," sabi ko. "Ang ganda ng asawa mo."
Hindi siya gumalaw. Tiningnan niya 'yung screen. Matagal. Sobrang tagal, hanggang sa mag-dim na 'yung phone ko at kailangan ko pang pindutin ulit.
Umangat 'yung tingin niya. Bumuka 'yung bibig niya.
Hindi ko siya pinayagan.
"Kuya," sabi ko. Pinakamagalang kong boses. 'Yung ginagamit ko sa mga resident. "Dito sa Toronto, hindi kita kilala. At hindi mo ako kilala."
Nanatiling bukas 'yung bibig niya ng isang segundo. Tapos sumara.
Tumingin siya sa baba, sa mga sapatos niya. Basag-basag na 'yung gilid ng boots niya, basa, may asin ng kalsada sa gilid. Isang beses niyang kinuskos 'yung isa sa sahig.
"Wa," sabi niya. Mahina. "Sige."
Binalik ko 'yung phone sa bulsa ko. Hindi na ako umupo ulit sa tabi niya.
Past midnight nang makauwi kami. Natutulog na 'yung matanda sa likod, nakasandal sa akin ang balikat, mabigat 'yung ulo.
Sa harap, sinabi ng driver, "Good job tonight, man. Thought we'd be stuck."
"Okay lang po," sabi ni Nonoy.
Umubo ako. "Kuya," sabi ko, malakas, para marinig ng driver. "Salamat po sa pag-ayos ng van."
Tumingin siya sa side mirror. Nagsalubong 'yung mata namin doon, isang kisap lang. Tapos iniwas niya.
"Walang anuman po, Ma'am."
Ma'am.
Pumarada kami sa Hawthorne. Binuhat namin pabalik si Sir, pinahiga, hinubad 'yung cap niya at inilagay sa bedside table kasi alam kong hahanapin niya paggising.
Pagbalik ko sa pinto, naghihintay pa si Nonoy sa labas, nasa ilalim ng ilaw, umaalog-alog 'yung balikat sa lamig. Nakabukas 'yung palad niya.
Iniabot niya 'yung susi ng van.
"Sa makalawa po ulit ako, Ma'am Arlene."