Kabanata 5
Alas-siyete ng gabi, dilim pa rin ang buong Kalye Ilang-Ilang, at ako ang may kandila.
Isa-isa. 'Yun ang alam ko. Nakapatong ang flashlight sa balikat ni Tim, nakatutok sa counter, habang hinihiwalay ko ang kandila sa plastik.
"Isa lang po, Ate Nene?"
"Isa muna, Jas."
"Sige po."
Sa tapat, kumikinang ang Villa24. Bukas. Malamig. May aircon pa. Pero walang tumatawid.
Dumating sila sa bench ko. Dala ni Mang Berting 'yung lumang radyo niya na de-baterya, naka-AM, may boksing. Pumwesto 'yung mga bata sa sahig na parang panonood ng sine. Dumating si Ate Perla, dala ang tira niyang tinapay, ipinamigay na lang kasi walang ref.
"Day, akin na 'yang flashlight, ako nang hahawak."
"Okay na po siya, Ate."
Nakahilera ang traysikel sa gilid, nakabukas ang headlight para may ilaw ang kanto. "Bossing, kayo na sa may kandila, ako sa ilaw!" sigaw ni Mang Dado kay Tim.
Nakita ni Tim lahat 'yun. Ang buong kalye, nakaupo sa harap ng tindahan na walang kuryente, habang may bukas na tindahan sa tapat na parang araw kung magningning.
Hindi siya nagsalita. Binibilang lang niya ang kandila na natitira.
Pagsapit ng alas-diyes, umakyat kami sa bubong.
Walang ilaw sa langit maliban sa isang bituin na sigurado akong eroplano. Sa ibaba, rinig pa rin ang boksing sa radyo at ang tawa ng mga nanay.
"Ganito ba lagi?" tanong niya.
"Kapag brownout, oo."
Tahimik siya. Tapos lumapit siya ng isang hakbang.
"Ma'am. Three weeks akong nagtatanong kung bakit hindi sila tumatawid." Hinawakan niya ang gilid ng hamba, parang kailangan niyang may kapit. "Akala ko presyo. Akala ko lokasyon."
"At?"
"It's not the price, Ma'am. Ikaw."
Napalingon ako. Masyado siyang malapit. Naaamoy ko 'yung kandila sa damit niya.
Lumapit pa siya. Hindi ako umatras. Nahawakan ng kamay niya ang siko ko at parang nawala lahat ng ingay sa ibaba, kahit alam kong nandoon pa.
Tapos may ilaw na gumapang sa bubong. Dalawang haba ng puti, dumaan sa mukha namin, tumama sa pader.
Headlights.
Umatras kami pareho. Sumilip ako sa gilid.
May itim na kotse sa tapat mismo ng bintana ko.
Bumaba ako nang mabilis, dala ang flashlight. Nakabukas pa ang maliit na bintana ng tindahan. May nakatayo roon—matandang lalaki, kulay abo ang suit, at hawak niya ang isang tungkod na pilak ang ulo.
Nakita ko na 'yang tungkod na 'yan. Sa ribbon cutting. Sa mikropono.
"Good evening," sabi niya. Mahinahon. Parang nasa lobby. "One candle, please."
"Isa po?"
"One."
Iniabot ko ang kandila. Inilapag niya ang bayad sa counter—bago, malutong, walang tupi. Sobra.
"Wala po akong panukli nito ngayon, Sir."
"Keep it."
"Hindi po. Isusulat ko na lang po na may sukli kayo sa amin."
Napatingin siya sa akin nang matagal.
Sa likod ko, bumaba si Tim sa hagdan. Tumigil siya sa huling baitang.
"Dad."
"Timothy." Hindi man lang nagulat ang matanda. "Your spreadsheet came in this afternoon. Very thorough."
Nanlamig ang mga daliri ko.
Nandoon pa sa counter ang lista. Bukas. Naiwan ni Tim kanina nang magsimula ang brownout. Nasa gitna namin mismo, sa ilalim ng flashlight, bawat pangalan sa kalye at kung magkano ang utang.
Sinundan ng mata ng matanda ang tingin ko.
"Thank you for your lista, Miss."
Hinawakan niya ang tungkod at bumaling sa kotse. Bago pumasok, huminto siya, at nagsalita sa Tagalog—luma, Tondo, masyadong madali para sa isang lalaking galing Alabang.
"Ngayon, alam ko na kung sinong pamilya sa kalyeng 'to ang unang magbebenta."
