Kabanata 2
Ala-una ng umaga, nasa Booth 2 pa rin ako, hawak ang pile ng sulat na hindi ko na naayos nang maayos.
"Good night, Davao." Huminto si Jude. "Kahit hindi mo ako nakikita, nandito lang ako."
Click. Patay ang filter. At biglang maliit ulit 'yung boses niya, parang batang nahuli sa kusina.
Hindi ko na natiis. "Kuya Jude, 'yung sagot mo kanina. Kay Bituon. Anong ibig sabihin?"
Tinanggal niya 'yung taped headphones. Hindi siya tumingin sa akin.
"Ah, wala ra ni. Linya lang sa show. Lahat ng nakikinig, nasa booth ko."
Tumango ako. Parang tama naman. Pero bakit dalawang beses niyang tinapik 'yung mic bago sagutin?
Tinawag ako ng station manager sa office. May papel na nakahanda sa desk, confidentiality form, naka-print na pangalan ko sa ibaba.
"Pirma dira, 'Day. Pero paminawa usa ko." Umupo siya sa gilid ng mesa. "Ang booth, walay pangalan. Ang pangalan sa DJ, dili mogawas sa booth. Ug walay bisan kinsa sa booth nga mosulat sa show. Kinsa man ang mabuking, gawas."
Walang pangalan sa booth. Hindi lalabas ang pangalan ng DJ. At walang taga-booth na pwedeng sumulat sa show. Kung may mabuking, tanggal.
Tumunog 'yung tainga ko.
"Opo, Ma'am."
Hinugot ko 'yung purple gel pen ko. Doon ako pumirma, sa purple, 'yung parehong tinta ng sulat na binasa niya sa buong Davao isang oras ang nakalipas.
Paglabas namin sa gate, umuulan. Hindi 'yung malakas na Davao rain, 'yung mahinang-mahina lang na parang ayaw matapos. Late 'yung habal-habal ko.
Naghintay si Jude sa tabi ko. Walang payong. Nakalagay lang 'yung bag niya sa ulo niya, na wala namang silbi.
Kinapa ko 'yung tote ko. Nandoon siya, parati namang nandoon.
Dilaw na payong. May isang tadyang na baluktot, kaya laging may isang sulok na lumulubog.
Binuksan ko siya sa ibabaw naming dalawa.
Tumigil si Jude. Tumingala siya sa loob ng payong. Doon mismo sa sirang tadyang. Matagal. Sobrang tagal para sa isang payong lang.
Isang taon na 'yan sa akin. Isang hapon na umuulan sa labas ng AV room, inabot niya 'yan sa akin, hindi pa kami magkakilala noon, hindi pa siya nagsasalita sa akin kahit kailan. Hindi ko siya ibinalik. Hindi niya hinanap.
"Nindot na payong," sabi niya. Mahina. Maganda 'yang payong.
"Oo," sabi ko, at hindi ko alam bakit ang init ng mukha ko sa gitna ng ulan. "Sira nga lang 'yung isang parte."
"Gamit pa man gihapon." Gamit pa rin naman.
Dumating 'yung habal-habal. Umakyat ako, hawak pa rin 'yung payong, at nang lumingon ako sa likod, nakatayo pa rin siya sa gate, basa na 'yung balikat.
Sa daan pauwi, isang kamay ko sa payong, isang kamay sa phone. Nag-vibrate nang nag-vibrate ang group chat ng barkada.
Si bes.
"BES. BES. GISING KA BA."
"BES. First time ni Bulan mag-'nasa booth ka ngayon.' Two years ko na siyang pinapakinggan. Never pa niya 'yon sinabi."