Skip to content

Ang Lihim ng Academia Diwata

Kabanata 2

Kinaumagahan, nasa opisina ako ng Dekana, umiinom ng tsaa na hindi ko ma-identify.

Hindi pa rin ako nakaka-move on sa isandaang lamparang namatay sa harap ng lahat. Walang nagsalita kagabi. Walang tumawa. Mas masakit 'yun kaysa inasar ako.

"Ano pong ibig sabihin noon, Dekana?"

Tumingin siya sa akin mula sa papeles niya. Hinawi niya 'yung dulo ng tirintas niya pabalik sa likod.

"Malakas na dugo na hindi pa marunong," sabi niya. "Pinatay mo ang ilaw na hindi mo naman sinasadya. Ibig sabihin, may ilaw ka ring kayang buhayin, kapag natuto ka."

"Eh 'yung isang lamparang hindi namatay po?"

"Tumayo iyon sa tabi ng pinuno ng Hanay Araw. Doon ka namin ilalagay. Hanay Araw ka, binibini. Tandaan mo ang silid mo, hindi kita ihahatid araw-araw."

May kumatok. Pumasok 'yung matanda sa raincoat—'yung sundo—hawak pa rin 'yung lampara niya kahit umaga.

"Dekana po," sabi niya, yuko. "Utos po ng Lakan. Ang Bantay po ang maggagabay sa binibini."

Sa pinto, may anino. Nandoon na pala siya. Nakayapak sa sahig na bato, parang normal 'yon sa lahat maliban sa akin.

"Hindi ako nag-aalaga ng bagong salta," sabi ni Alon.

Ang linis ng Tagalog niya. Parang matanda. Parang luma.

"Utos ng iyong ama, Bantay," sabi ng Dekana.

Tahimik. Tapos isang tango lang. Umalis siya nang hindi ako tiningnan. Record na 'to—dalawang beses na kaming nagkasalubong, zero eye contact. Dapat may medalya.

Sa dorm, sinalubong ako ng kaklase kong babae na parang kilala na niya ako buong buhay niya. Inagaw niya 'yung phone ko sa kamay ko.

"Ali, walang signal dito sa likod ng hamog," sabi niya, at ibinalik 'yung patay kong phone sa palad ko. "Nakita mo na 'yang battery? Ganyan talaga. Sa bundok, patay. Isang buwan ka lang maghihintay, may Araw ng Pagbaba naman."

Isang buwan na walang Mama. Isang buwan na walang tawag.

Nginitian ko siya para hindi na siya magtanong.

Hapon nang isinama ako ni Alon sa guhit ng hamog—'yung linya kung saan nagtatagpo ang damo at ang puting pader na 'yon. Naglakad siya nang nakayapak sa basang damo. Ako, nanginginig sa loob ng dilaw kong hoodie.

"Isang tuntunin lang," sabi niya. Hindi siya huminto sa paglakad. "Walang aswang na makatatawid sa hamog. At kung may makatawid, ako ang magbabalik sa kanya sa dilim."

"Ayos. Ang ganda ng delivery, parang trailer."

Wala. Walang kahit gilid ng ngiti.

"Sige, Bantay," sabi ko. "Takot ako sa dilim, hindi sa aswang."

Tumingin siya sa unahan. "Magkaiba iyon."

"'Yun nga 'yung point ko—"

Hindi na niya ako pinansin. Naglakad kami sa tabi ng guhit, siya sa pagitan ko at ng hamog, laging ganoon, kahit saan ako lumipat. Hindi ko alam kung bantay ba 'yun o kung ano. Pero ni minsan, hindi siya lumayo sa akin.

Umupo ako sa tabi ng linya. Maputi 'yung hamog, makapal, parang gatas na nakatayo. Gusto kong malaman kung ano ang pakiramdam.

Inabot ko.

Umurong.

Hindi 'yung parang hinipan ng hangin. Umurong siya na parang kurtinang hinila ng isang tao—pababa sa buong dalisdis, pababa, pababa, hanggang sa makita ko ang mga pine tree sa ilalim at ang kulay-abong langit sa likod nila.

Tumayo si Alon. Narinig ko 'yung paa niya sa damo.

Sa unang pagkakataon, tumingin siya sa akin. Diretso. At hindi ko alam kung bakit biglang uminit ang mukha ko sa lamig na 'yon.

"Hindi bumubukas ang hamog para kanino man."