Skip to content

Ang Pasaherong Naka-Puti

Kabanata 3

Bago mag-shift ko, bumalik ako sa Balete kasi hiniling ni Victor. Alas-kwatro ng hapon, mainit, at hindi mukhang nakakatakot ang puno sa liwanag ng araw. Mukha lang siyang matanda at pagod.

Pero may mga tao sa paligid niya. Crew, naka-hard hat, may dalang lubid at chainsaw sa likod ng pickup. May lalaking nagmamarka ng pulang pintura sa katawan ng puno, malalaking X, paulit-ulit.

"Boss, ano pong ginagawa n'yo?" tanong ko.

"Putol, Ineng—este, Miss," sabi ng foreman, hinahawi ang alikabok sa braso niya. "Marka lang 'to. May schedule na kami."

Dumating 'yung puting SUV. Bumaba 'yung lalaking naka-barong kahit hapon, naka-salamin, ang ayos ay parang galing meeting sa Makati.

Ang presidente ng Tala Taxi. Nakita ko siya minsan sa garahe, mula sa malayo lang.

"Professor," sabi niya kay Victor, parang matagal na silang magkakilala at parang pagod na siya rito. "We've been through this. 'Yung lote sa likod, amin. Condo na 'yan next year. The tree is on our driveway."

"When?" tanong ni Victor.

"Bisperas ng Undas. Putol ng dapithapon, tapos buhos ng semento pagkatapos ng hatinggabi. Gabi lang pumapasok ang cement trucks sa city, e. It's a schedule thing lang."

Tahimik lang si Victor. Binuksan niya 'yung folder niya at may inilabas na papel.

"The Balete is on the city's heritage tree list," sabi niya. "Walang puputol, maghuhukay o magtatayo sa loob ng ugat nito nang walang permit ng konseho. And any council member can put a hold on a listed tree until the council next meets."

"And you are?"

"Nasa konseho ako."

Inilabas niya ang phone niya, nag-dial, at inilagay sa speaker. Narinig ko 'yung tunog ng isang opisina—aircon, keyboard, boses na pagod sa mga tanong.

"Heritage office po, good afternoon."

"This is Victor Abaya. I'm placing a hold on the balete at New Manila. Pending review. Walang work order hangga't walang ocular inspection."

"Noted po, Sir. Ipapaalam po namin sa contractor."

Tumingin 'yung foreman sa presidente. Tumango 'yung presidente, minsan lang, mahina. Nag-impake ang crew. Umalis sila nang hindi na nagsasalita.

"You're a professor," sabi ng presidente, "not the mayor."

"Hanggang sa susunod na session ng konseho, walang gagalaw sa punong ito."

Nilingon ako ng presidente, parang katatapos lang niyang mapansin na may tao pala sa tabi.

"Ms. Dacanay, right? Driver namin."

"Opo, Sir."

Ngumiti siya at sumakay na. Mas gusto ko pa 'yung hindi siya ngumiti.

Umupo kami ni Victor sa gilid ng bangketa. Bumababa na ang araw sa likod ng mga pader.

"Cecille," sabi niya. "Amparo Abaya ang pangalan niya. Lola ko."

Hindi ako makakilos.

"Night nurse siya sa Bagong Lungsod. Isang gabi ng Oktubre, 1957, sumakay siya ng taxi pauwi. Hindi na siya nakarating. The record says she ran away with a man. Mali ang record." Tumingin siya sa kalsada, hindi sa'kin. "Naniniwala pa rin ang tatay ko doon. Anak siya, Cecille. Anim na taong gulang noon."

Inabot niya sa'kin 'yung photocopy. 'Yung mukha ng pasahero ko, nakatitig sa'kin sa gusot na papel.

"Sir, baka naman—"

"Naniniwala ako sa'yo."

Hindi pa nga ako naniniwala sa sarili ko, e.

Nag-vibrate 'yung phone ko. Si Kuya dispatcher, may pinadalang still mula sa dashcam kagabi.

Walang tao sa likod na upuan. Pero sa rearview mirror, may puting manggas at maliit na bilog na pin sa isang kwelyo.