Skip to content

Ang Tagapagmana ay Babae

Kabanata 2

Hindi ako nakatulog.

Nasa bag ko 'yung ang pao buong gabi. Hindi ko binuksan. Una, kasi sinabi ni Papa na huwag. Pangalawa—at ito 'yung totoo—kasi alam ko kung ano 'yon. Pera. 'Yung klaseng pera na ibinibigay para tumahimik ka. Severance. Kapag binuksan ko 'yon, parang tinanggap ko na.

Alas-singko ng umaga, binuksan ko ang mill, gaya ng ginagawa ko araw-araw sa loob ng labindalawang taon. Amoy kopra na naman ang buong Diversion Road. Umaandar na ang unang truck.

Nasa gate 'yung foreman, apatnapung taon na sa Bituin.

"Ma'am Mel," sabi niya, hindi man lang ako binati. "Totoo ga?"

"Totoo," sabi ko. "Buksan mo na 'yung dryer."

Alas-siyete, dumating si Papa. Kasama niya si Jasper—naka-puting sneakers, walang mantsa, sa sahig ng kopra. Parang tinitingnan ng sapatos niya ang buong mill at nagtatanong kung bakit siya nandoon. Kasama rin 'yung abogado ng kompanya, dalawampung taon na rin sa amin, may dalang folder.

Sa office ni Papa kami nagkita. Binasa ng abogado 'yung maliit na bagay na malaki pala.

"All shares are in your father's name," sabi niya sa English, tapos lumipat siya sa Tagalog, gaya ng lagi niyang ginagawa kapag mabigat ang parte. "Ibinibigay 'yan sa pamamagitan ng deed. At ang deed, Ma'am Mel, binibilang mula sa araw na pinirmahan—hindi sa araw na binasa."

Pumirma si Papa. Acting president si Jasper, simula noong umagang 'yon.

Tapos tumingin siya sa akin.

"Until the wedding, you keep the books. Jasper signs. Not one sack leaves this mill without his name on it. Ho?"

Isang segundo. Pinihit ko 'yung jade bangle ko, isang ikot sa pulso.

"Noted, Papa."

Hindi pa pala tapos. May isa pang anunsyo.

"Pau moves here from Cotta," sabi ni Papa. "To teach Jasper the copra."

Nasa hallway na ako nang maabutan ko si Pau. Papasok siya, may dalang dalawang kahon ng papeles mula sa branch, basa pa ang balikat ng t-shirt sa pawis.

"Ikaw pala ang pinili ni Papa na magturo," sabi ko. "Hindi ako."

Ibinaba niya 'yung kahon. Tumingin siya sa akin nang diretso, at sumagot siya nang mas mahina pa sa kailangan.

"Hindi ako ang pumili, Ma'am."

Tumango ako. Nilagpasan ko siya. Hindi ko siya nilingon, pero alam kong hindi pa siya umaalis sa pwesto niya.

Dumaan ako sa bagong opisina ni Jasper. Wala pa siya doon—nasa baba, sinusubukang 'wag madumihan ang sneakers.

Sa mesa, may courier envelope. Alas-sais daw dumating, ayon sa logbook ng guard. Hindi pa bukas.

Ako ang may hawak ng libro. Lahat ng papel sa mill na 'to, dumadaan sa akin.

Binuksan ko.

Draft ng kontrata. Galing sa Villareal. Sampung taon, exclusive ang kopra nila sa Bituin, kami lang ang bibili, kami lang ang magpoproseso. Maganda sa unang basa. Napakaganda pa nga.

Tapos nasa dulong pahina, maliit na clause, nakabaon sa pagitan ng dalawang mahabang talata.

Fifty million. Babayaran ng Bituin. "If the union of the two families does not proceed on the fortieth anniversary."

Binasa ko ulit. Tatlong beses. Hindi nagbago.

Nanginginig 'yung papel—hindi, nanginginig 'yung kamay ko, kaya ibinaba ko 'yon sa mesa at ipinatong ko ang palad ko sa ibabaw.

Fifty million kung hindi matuloy ang kasal ng kapatid ko.