Skip to content

Asawa Ko Pala ang Bagong CEO

Kabanata 2

Hindi ko binaba ang camera. Hindi ko kaya. Basta na lang ako nanatiling nakatayo sa gitna ng madilim na hall, recording pa rin, habang nag-Q&A ang lalaking nakasulat ang pangalan sa bag ko.

Tumayo 'yung team lead ng Cebu. Nanginginig ang boses niya sa mic.

"Sir, tanong lang po. Totoo ba na may matatanggal sa Cebu team? Kapoy na po kaming mag-alala, Sir."

Sandali siyang tumingin sa kanya. Walang drama.

"Walang matatanggal sa Cebu team. Not this year."

Parang sabay-sabay huminga ang tatlong daang tao. May pumalakpak sa likod. Ako, malamig ang mga daliri ko sa camera, pero nakuha ko ang shot.

Pagkatapos, may babaeng lumapit sa akin, mabilis maglakad, may hawak na tablet.

"Hi, Chief ako. Sir Paolo wants the video unit. Now."

Ang video unit, ako. Ako lang muna.

Dinala niya ako sa salaming meeting room sa office floor — fishbowl daw ang tawag doon. Kita ka ng lahat, pero walang nakakarinig. Nakatayo siya doon, luko-lukot pa rin ang kwelyo, may tinta pa rin sa likod ng kamay.

"Mika," sabi niya. "Bumalik ako sa airport. Hinanap kita."

Hindi ko siya sinagot. Binuksan ko ang bag ko, inilabas ang papel, at itinulak ko sa mesa.

"Prop 'to, 'di ba? Sabihin mo prop 'to."

Binasa niya. Isang segundo. Dalawa.

Tapos tumawa siya. Malakas. Buong katawan.

Tumigil ang kalampag ng keyboard sa labas. Lahat ng ulo sa floor, lumingon sa salamin. Nabitawan ni Chief ang tablet niya sa sahig. May nagsabi pa ng "Hala."

Tinawagan niya ang munisipyo. Speaker.

"Ay, opo Sir! Na-file po kaninang umaga, kasama po ng kina Ma'am bride. Kumpleto po. Congrats po ulit, Sir!"

Tunog ng ilong ko. Wala akong masabi. Inabot niya pabalik ang papel sa akin, at tinupi ko ulit nang paulit-ulit hanggang hindi na matupi.

Alas-nuwebe ng gabi, nasa isang walang taong meeting room kami. Naka-video call ang abogado niya. Matandang babae, mabagal magsalita kapag mabigat ang sasabihin.

"Walang divorce dito, iho. Kahit walang license, nasa record 'yan hanggang may korteng magsabing void. Dalawang taon, 'yan ang pinakamabilis. Minsan mas matagal."

"Magkano po?" tanong ko.

"Four hundred thousand. 'Yan ang pinakamababa."

Tumingin ako sa salamin ng mesa. Twenty-eight thousand ang sweldo ko kada buwan. Kinuwenta ko sa isip ko, mabagal, gaya ng pagsasalita niya. Mas malaki pa sa kinikita ko sa isang buong taon.

"Technically, declaration of nullity. Pero annulment ang tawag ng lahat," dagdag ng abogado bago mag-off.

Tahimik ang kwarto. Umiikot lang ang aircon.

"Sir Paolo," sabi ko, kasi nasa loob kami ng building, "ano po'ng gagawin natin?"

Hindi siya sumagot agad. Kinuha niya ang phone niya, may binuksan — ang company handbook. Nasa ibaba ng page ang sarili niyang pirma.

Binasa niya nang malakas, parang nagbabasa ng presyo.

"An undisclosed relationship between an officer and an employee is grounds for termination."

Tumingin siya sa akin. At doon lumambot ang boses niya, konti lang, gaya noong gabi sa hagdan.

"Of the employee, Direk. Ikaw."