Kabanata 2
Natulala ako sa gilid ng ilog, hawak ko pa 'yung tupperware na tinanggihan niya kanina.
"Paano mo po—paano mo alam si Lola?"
Hindi siya sumagot agad. Hinubad niya 'yung sunglasses, tapos kinuskos 'yung likod ng kaliwang kamay niya gamit ang hinlalaki. Nagbahagya 'yung makeup. Tapos natanggal.
Bilog. Kasinglaki ng limang piso. Peklat ng paso.
At bigla, parang binuhusan ako ng malamig na tubig. 'Yung kawali ni Lola. 'Yung toothpaste na ipinahid niya sa kamay ng isang batang umiiyak sa kusina namin. 'Yung mataba na batang makapal ang salamin, laging nakaupo sa bench sa tabi ng bakod, kumakain ng turon, 'yung batang kinalaban ko ang tatlong kalaro para hindi tuksuhin.
"Kuya Pipoy?!"
Napapikit siya. "Huwag mo akong kuya-hin. Fourteen years na."
"Pero—ikaw! Ikaw 'yung—"
"Oo." Umupo siya sa mababang pader, siko sa tuhod. At 'yung boses niya, hindi na 'yung sa camera. Marikina na. Plain lang. "Five years kang nasa front row, Ash. Limang taon. Ni minsan, hindi mo ako nakilala."
Nakanganga ako. Kaya pala. Kaya pala parang may utang akong hindi ko alam.
"Ang pogi mo na kasi." Tumakas 'yon sa bibig ko. "Charot."
Tumingin siya sa 'kin nang matagal. Hindi siya ngumiti. Pero may gumalaw sa sulok ng bibig niya, isang beses lang, saglit, at ayun, bigla na namang ang init ng mukha ko.
Pinasakay niya ako sa van. Tahimik 'yung driver, matanda na, "Opo, Sir" lang ang alam. Nasa upuan sa gitna 'yung tupperware ni Lola. Dala pala niya. Kinuha niya pala.
"Ash."
"Ha?"
"May rule tayo." Nakatingin siya sa labas, sa mga ilaw ng kalsada. "Sa harap ng camera, magka-date tayo. Paglabas ng camera, hindi mo ako kilala. Walang Pipoy."
Tumigil ang hininga ko. "Bakit naman?"
"Wala sa bio ko ang Marikina. Wala sa bio ko ang lumang bahay, ang workshop, ang lahat." Huminto siya. "Kapag nalaman nila na magkakilala tayo bago pa 'yung raffle, kakainin ka nila nang buhay. Alam ko sila. Trabaho ko sila."
"Hindi naman siguro—"
"Ash."
Tumango ako. Kasi anong gagawin ko? Idol ko siya. At bata pa ako, kinalaban ko ang tatlong tao para sa kanya.
Sa kanto niya ako ibinaba, hindi sa mismong kalye namin. Pinatay pa niya 'yung ilaw sa loob bago bumukas ang pinto.
Pagpasok ko sa kusina, naka-TV si Lola, pero hindi niya pinapanood. Nakasampay pa rin 'yung towel sa balikat niya.
"La, gising pa po kayo?"
Isang tanong lang ang inilabas niya. Hindi kung masaya ba ako. Hindi kung ano'ng itsura ng studio.
"Kumain ba siya ng turon?"
Tumigil ako sa may pinto. "La... si Kyle po. Si Pip—"
Tumunog ang phone ko. Hindi ko pa nai-save, pero kilala ko 'yung area code ng agency sa text kanina.
Sinagot ko. Walang hello. Walang pangalan.
"Fan. You're trending. Nine a.m., my office. The brand wants more."