Kabanata 3
Alas-tres ng hapon, weekly crew drill sa deck 4. Suot ko 'yung life jacket na masyadong malaki sa'kin, nakapila sa muster station na hawak niya.
Siya ang leader ng station na 'to. Hindi ko alam kung swerte o malas.
"Head count," sabi niya. Officer English, walang galaw sa mukha.
Nang tinawag 'yung pangalan ko, may bumulong sa likuran ko. Laundry crewman, hawak ang strap ng vest niya, nakangiti.
"Uy, 'yung nasa notice."
May tumawa. Mahina, pero tumawa.
Huminto ang lahat. Ibinaba niya 'yung clipboard.
"Stop."
'Yung tunog lang ng hangin at ng alon sa gilid ng barko.
"During a drill, the muster station leader's word is final. Whatever anyone's rank." Tumingin siya sa buong linya. "Again. From the alarm."
Ungol ng isa o dalawa, pero wala nang umangal. Bumalik kaming lahat sa simula. Tinanggal 'yung vest, isinuot ulit, head count ulit. Sampung minuto na dagdag sa trabaho ng lahat, at hindi niya binawi.
Pagkatapos ng pangalawang count, tumingin siya sa laundry crewman.
"You. Apologize to Ms. Villaruz."
Namula 'yung lalaki. "Pasensya na, 'te."
"Okay lang po," sabi ko, kahit hindi okay 'yung init ng mukha ko.
Dumating si Ma'am Celine para pumirma sa drill sheet. Navy blazer kahit ganoon kainit, at 'yung gintong pin sa dibdib niya—manipis, tuwid na tuwid, parang may nag-level gamit ang ruler. Hindi 'yon basta pin. Parang pirma.
Pumirma siya, tapos inilapat 'yung kamay niya sa braso niya.
"Lunch tayo later, diba, sweetie?"
Hindi siya nag-react. Isang hakbang lang, pahilig, palabas sa abot ng kamay niya. Binuhat niya 'yung clipboard. "Station's dismissed."
Tinanggal ko 'yung life jacket ko sa locker. Nang isabit ko, may kumalansing sa bulsa.
Dalawang kendi na luya. Nakabalot, bago.
Wala akong inilagay doon. At iisa lang ang taong humawak ng vest na 'yon bago ako.
Ipinasok ko sa bulsa ko at hindi ako lumingon.
Alas-nuwebe ng gabi, last booking ko. Nakasulat sa sheet: C. Agustin.
Pumasok siya na parang sa kanya 'yung kuwarto. Humiga, mukha sa butas, habang nilalagyan ko ng oil 'yung likod niya.
"You're good, ha," sabi niya. "Sayang naman kung mapapauwi ka agad."
"Salamat po, Ma'am."
"I sailed with Allan on his last ship, you know. Two contracts." Humikab siya, komportable. "Officers can date officers, sweetie. Nasa handbook pa nga, diba?"
Pinindot ko 'yung balikat niya. Tuloy-tuloy lang ang kamay ko, kahit parang umurong 'yung dugo ko.
"Opo, Ma'am."
"Sabi nila crew ka raw na mahilig umakyat." Natawa siya nang mahina. "Delikado 'yung hagdan ng officers sa gabi, no? Madulas."
"Mag-turn po kayo, Ma'am. Sa likod na lang po ng balikat."
Pero hindi siya nag-turn. Bumangon siya, hawak 'yung towel sa dibdib niya, at inabot 'yung phone sa gilid ng table.
Pinindot niya. Inilapit sa mukha ko.
Ako sa screen. Officers' stairs, first night. 'Yung kamay niya sa ilalim ng siko ko. Malinaw na malinaw, kahit madilim.
"Ako ang nag-send nito sa Staff Captain," sabi niya, nakangiti, ang boses parang nagsasabi ng oras. "Ikaw lang ang pinangalanan ko."
Pinatay niya 'yung screen.
"Next time, kasama na siya."