Kabanata 2
Alas-otso ng gabi nang makauwi ako, basa pa rin hanggang medyas.
Hindi ko sinabi agad. Inilapag ko lang 'yung five hundred sa mesa, sa harap ni Papa, 'yung parehong pera, tuyo na.
"Pa," sabi ko. "Nakita ko po 'yung kolektor sa gasolinahan. Sabi niya bayad na raw. Matagal na raw po."
Hindi siya nagulat. 'Yon ang unang tumusok sa akin. Umayos lang siya ng upo, tinanggal 'yung cap at inilapag sa mesa.
"Oo, anak. Bayad na 'yun," sabi niya. "Ako mismo ang nagbayad noon, isang bagsakan, nanalo ako sa derby. Pero—" Huminto siya. Kinamot ang batok. "May isa pa. Mas malaki. Nung gabi rin na 'yun. Iba 'yung financier. Ayoko lang sabihin sa 'yo kasi alam kong mag-aalala ka."
"Bakit ngayon ko lang po nalaman?"
"Nahiya ako, anak."
Dumating si Mama mula sa likod, dala 'yung basket ng labahan, ibinaba sa sahig.
"Jopay." Isang salita lang, pero tumahimik ako. "Ang sa bahay, sa bahay lang. Walang ibang makakaalam."
"Ma, pero—"
"Hayaan mo na."
Tapos na. Ganoon kabilis. Pinulot niya ulit 'yung basket at pumasok.
Nasa sahig si Bunso, nakasandal sa pader, hawak 'yung basag niyang phone. May pinapanood siyang engine room, 'yung mga malalaking makina ng barko, umiikot, umuugong. Hindi siya tumingala. Pero alam kong naririnig niya lahat, kasi tatlong beses niyang sinimulan ulit 'yung parehong video.
"Anak," sabi ni Papa, "pahiram nga ng phone mo. Lowbat ako. Tatawagan ko lang 'yung isa, gaya nung isang linggo."
Ibinigay ko. Lumabas siya sa may gate, may limang minuto. Pagbalik, bahagyang mainit 'yung phone.
Nang tingnan ko mamaya, may bagong icon sa screen. Orange. Hindi ko 'yon ni-install. Lending app ata. Pinindot ko, nag-load nang kaunti, tapos hindi ko na tinapos. Spam lang siguro, 'yung tipong naka-click ka sa ad habang nag-nenavigate ka. Dinilete ko.
Pagkatapos, dinampot ko 'yung five hundred sa mesa at inilagay sa palad ni Papa.
"Last na 'to, Pa."
"Opo, panga—oo, anak," sabi niya, at tumawa nang mahina, parang biro.
Nag-vibrate 'yung phone ko. Si Kuya Mark.
"Naiwan mo 'yung lalagyan mo. Bukas na lang."
Tiningnan ko 'yon nang matagal. Walang emoji. Walang kahit ano. Pero 'yon lang 'yung mensahe sa buong araw na walang hinihingi sa akin.
Tinype ko: "Sorry, nagmamadali ako."
Tinanggal ko. Tinype ulit: "Salamat, Kuya Mark."
Sinend ko 'yon. Tapos tiningnan ko 'yung kisame ng kwarto namin na parang may masasagot doon.
Hating-gabi. Plywood lang ang pader sa gitna ng dalawang kwarto namin, kaya lahat, dumadaan. Narinig kong may nagsalita sa kabila—hindi tao sa bahay. Phone. May sumisigaw sa loob ng phone, maraming tao, 'yung ingay na parang palengke pero mas gutom.
"Meron! Meron!"
Hinina niya. Tapos narinig ko 'yung bulong ni Papa, kalmado, parang nag-o-order lang ng pandesal sa kanto.
"Five hundred sa Meron."