Skip to content

Binayaran Akong Maging Kakambal Ko

Kabanata 4

Alas-kwatro ng umaga, lumabas ako sa service gate.

Nandoon ang head of security, 'yung tahimik na lalaki ng Señora. Nakita niya ako. Nagtama ang mga mata namin. Tapos tumingin siya sa kabilang direksyon, parang may mas interesante sa kalsada.

Dumaan ako.

Sa Bucana, bukas na ang pinto ng maliit naming bahay. Nakaupo si Lola sa bangko sa labas, nakabalot sa malong niya—'yung kupas na, dating pula at dilaw ang mga guhit, ngayon parang dalampasigan na kinain ng araw. Punit ang isang gilid, tinahi niya mismo noong isang taon.

Hindi niya ako tiningnan.

"La," sabi ko. Lumuhod ako sa harap niya. "Pasensya na po sa gate. Hindi ko po kaya... nasa tabi ko po siya."

Gumalaw ang baba niya. "Ibalik mo ang pera, 'Day."

"La."

"Ibalik mo."

Tiningnan ko siya nang matagal. 'Yung takot sa mukha niya noong unang araw sa stall—hindi 'yon takot sa pera. Takot 'yon sa mukha ng babae.

"Kilala mo siya, La," mahina kong sabi. "Nakita ko sa mukha mo."

Humarap si Lola sa dingding. Hindi na siya umimik.

Alas-sais, binuksan ko ang stall. Ugali lang. Hindi ko alam ang ibang gagawin ng mga kamay ko.

"Hala, si Kaye!" sigaw ng tindera ng lanzones. "Pila ang pomelo mo ngayon, 'Day, mukha kang mayaman!"

"Mas mahal, kasi gwapa ako ngayon," sagot ko, at tumawa silang lahat.

Niyakap ako mula sa likod ng tindera ng durian, kaibigan ko simula high school. "Nawala ka ng dalawang araw. Lagi, akala ko nag-asawa ka na."

Doon ko siya nakita. Nakatayo sa harap ng mga pomelo ko, puting polo, mantsa ng dagta sa cuffs.

Tiningnan ni Adrian ang yakap. Isang segundo nang mas matagal sa dapat.

"I was driving to the wharf," sabi niya nang makalapit. "Nakita kitang lumabas sa gate."

Binitawan ako ng kaibigan ko at umatras, nakangisi, pero umalis.

Dumampot si Adrian ng pomelo. Tinimbang sa palad.

"How much?"

"Two hundred po, Sir. Walang tawad ang pomelo ko."

Hindi siya nagreklamo. Kinuha ko 'yung prutas, at ginasgasan ko ang balat gamit ang hinlalaki ko—apat na hiwa, pababa, tama ang lalim para hindi masira ang laman. Nakatingin siya sa kamay ko habang ginagawa ko 'yon. Hindi sa mukha ko. Sa kamay.

"Pomelo," sabi niya, tahimik, parang pinapangalanan ako at hindi ang prutas.

Nainitan ang batok ko. Sinisi ko ang araw.

Inilabas ko ang litrato sa phone case ko. Ibinigay ko sa kanya.

Ako, sa stall na 'to. At sa likod, ang sulat: Kaye. Magsaysay, pang-apat na stall. Patawarin mo ako.

Tumigil siya.

"Her handwriting," sabi niya. "Pakaliwa ang hilig ng mga letra. Lagi."

"Nasa shoebox po sa closet niya."

Ibinalik niya ang litrato, pero mabagal. "I was going to the police this morning. Pupunta na sana ako ngayon."

"Kapag pumunta ka," sabi ko, "ipapasok ako sa kulungan, tapos papalitan lang niya ako ng iba. Walang makakahanap kay Celine." Hinawakan ko ang gilid ng mesa. "Bigyan mo ako hanggang sa kasal. Hahanapin ko siya mula sa loob."

Tiningnan niya ang gate ng park, ang mga tindera, ang pomelo sa kamay niya.

Tapos isiniksik niya ang pomelo sa ilalim ng braso niya at tumingin sa akin.

"Until the wedding. After that I'm going to the police for Celine, and I'd rather you were standing next to me."