Kabanata 4
Dalawang gabi pagkatapos ng mahabang kuwento ko kay Mr. Vergara, iba na ang floor.
Una, 'yung aircon sa ibabaw ng Row C. Isang taon na kaming nagre-request. Nakasuot pa kami ng jacket sa loob ng tag-init. Pagdating ko, may dalawang technician na nakatungtong sa hagdan, inaayos 'yung vent.
Pangalawa, 'yung water dispenser sa pantry na patay na mula noong Pasko. Umuusok na ulit ang mainit na tubig.
Pangatlo, 'yung bathroom memo sa bulletin board. Tanggal na. May bagong papel doon, isang linya lang, may pirma.
Tinitigan ako ni Kuya habang nagbubukas ako ng locker. "Nic. Lahat ng 'yan, nabanggit mo sa caller mo, 'no?"
"Shh."
"Ambot sa 'yo."
Pre-shift huddle. Tumayo si Ma'am Celeste sa harap ng team, ayos na ayos ang pulang scarf, nakangiti.
"Team. Let's celebrate Nicole." Palakpakan. "Our top agent, with the worst handle time on my floor."
Tumawa 'yung ibang managers. Hindi kami tumawa.
"A small reminder, everyone. Every call on this floor is recorded and kept. I can pull any of them, anytime. So let's all be proud of what we say." Hindi niya ako tinitigan. Hindi na kailangan. "And starting tonight, the Hushbay VIP line goes to Nicole. Hers alone."
Napaangat ang ulo ko. "Ma'am Celeste, bakit po?"
Ngiti. "Let's take this offline."
Hating-gabi. Nakaupo na ako, nasa harap ko ang tumbler ko—'yung lumang bughaw, may yupi sa gilid—puno ng salabat ni Lola.
Tapos may humila ng upuan sa tabi ko.
Si Sir Ethan. May hawak na spare headset.
"Shadowing the top agent tonight," sabi niya, at isinuot 'yon na parang normal lang. "It's fine naman, right? Just listen lang ako."
Hindi. Hindi okay. Kasi kapag sumagot ako ng tawag ngayon, marinig niyang "this is Claire"—tapos na ako.
Kaya ang ginawa ko, pinindot ko ang coaching status. "Sir, actually po, naka-coaching ako ngayong gabi. Sa new hire po."
"Then I'll watch you coach."
Grabe. Okay.
Buong gabi, nakaupo siya roon. Pinakinggan ko 'yung bata, tinuro ko kung saan huminga, kung kailan hindi magsasalita. Si Sir Ethan, nakikinig lang, minsan tumatango.
May inabot siyang kamay sa tumbler ko. "Can I?"
"Sir, 'yan po ay—"
Uminom siya. Namilipit ang mukha niya. "Ang anghang!"
Natawa ako nang sobrang lakas na napalingon ang tatlong row. Tapos tinakpan ko ang bibig ko. "Sorry po. Salabat po 'yan ni Lola. Luya po."
"Your Lola is trying to kill me." Pero uminom siya ulit.
Alas-dos singkwenta y singko. Pinatabi ko ang new hire. "Ate, paano po kapag galit na galit 'yung caller?"
"Huwag kang susunod sa bilis niya. Bagalan mo. Ganito."
At hindi ko namalayan, lumabas na. Boses-Claire. Mabagal, mababa, malambot.
"Breathe in for four. Hold. And out for six. I'm not going anywhere."
Binasa ko ang buong Wind-Down guide nang ganoon, dahan-dahan, hanggang sa dulo.
Pagtingin ko sa kaliwa, alas-tres na.
Nakasandal si Sir Ethan sa upuan. Sarado na ang mga mata niya. Nakalaylay ang kamay niya sa hita, at bukas ang phone—nakatutok sa VIP number, hindi pa na-dial.
Suot pa rin ang spare headset. Hindi niya ako hinawakan. Isang dangkal lang ang pagitan ng braso namin, pero wala, wala talaga.
Tapos bumulong siya, halos hindi marinig.
"...Claire."