Kabanata 2
Lumakad ako papunta sa dulo ng row habang nakatingin ang buong floor, at sinaksak ko 'yung headset ko sa linya niya.
"Thank you for holding, sir. This is Loida, the team lead. I'm taking over your call."
Iba 'yung boses ko sa call. Alam ng team ko 'yan. Mabagal, malinis, walang gatol — 'yung boses na pinaghirapan kong pulidohin sa loob ng limang taon. Sumigaw pa 'yung Kano ng dalawang pangungusap. Hinayaan ko. Tapos sumagot ako nang mahinahon, isa-isa, hanggang sa tumahimik siya at tumawa pa nang kaunti bago mag-goodbye.
Siyam na minuto. Tapos, bumalik sa trabaho ang floor na parang walang nangyari.
Hinubad ko 'yung headset at yumuko ako sa tabi ng upuan niya, mahina, para kami lang ang makarinig.
"Lemuel. Isang beses ko lang 'to sasabihin." Tiningnan ko siya nang diretso. "Dito sa floor, walang apelyido. Badge mo at numbers mo lang. At walang po sa akin."
Nanatili siyang nakatingin sa akin, parang may hinihintay na susunod. Wala. 'Yon lang.
"Fair," sabi niya, mahina. Tapos, parang sinusubukan ang bagong sapatos: "Sige. Loida."
May narinig akong tawa sa likod. 'Yung isa kong senior agent, nakatayo sa divider. "TL, ano tawag natin sa kanya? Sir ba o Ma'am? Kasi parang pareho."
"Sir Ma'am na!" sigaw ng SME ko, at umalingawngaw 'yung tawanan sa buong row. Namula si Lemuel hanggang tainga, pero ngumiti siya. Hindi ko inaasahan 'yon.
"Isa pa," dugtong ko sa kanya. "Dalawang linggo ang nesting. Sa huli, may pipirmahan akong form. Walang sign-off, walang trabaho. Ako ang pipirma."
"Understood."
Alas-siyete, nasa store sa tapat ng Emerald ang kalahati ng team, nakaupo sa bench, humihigop ng kape habang sumisikat ang araw sa likod ng mga building. Nandoon siya sa counter, nagbibilang ng barya sa palad niya. Dalawang beses niyang binilang. Tapos ibinalik niya 'yung sandwich sa rack at kape na lang ang binayaran.
Nakita ko. Hindi ako kumilos. Hindi ko siya binilhan.
Umupo siya sa dulo ng bench, isang tao ang layo. Hawak niya 'yung mainit na cup gamit ang dalawang kamay, parang lamig na lamig siya kahit hindi naman.
Tapos tumingin siya sa pulso ko.
May peklat ako sa loob ng kaliwang pulso ko, kasinlaki ng hinlalaki, hugis dulo ng plantsa. Galing 'yan sa laundry room nila sa San Juan, isang hapon na masyado akong nagmadali. Hindi ko tinatakpan 'yan kahit kailan. Bahagi na 'yan ng balat ko.
"Ako 'yung kumuha ng yelo noon," sabi niya. Mahina. Tagalog, at maingat, parang hiniram sa iba. "Natatandaan mo?"
Naalala ko. Naalala ko 'yung basang tuwalya, 'yung yelo na natutunaw sa sahig ng kusina, 'yung labing-siyam na taong gulang na lalaki na tumakbo pabalik-balik sa ref.
Pero naalala ko rin 'yung hagdan. 'Yung katahimikan niya roon.
Inubos ko 'yung kape ko at tumayo. "Alas-diyes bukas, Lemuel. 'Wag kang ma-late."
Sa jeep pauwi sa Rosario, binuksan ko 'yung folder sa kandungan ko. Nandoon 'yung nesting sign-off form niya, blanko pa. Kinuha ko 'yung lapis sa bag ko at sinulat ko sa gilid, maliit, pahilig:
Not recommended.
Tiningnan ko 'yon habang umaandar ang jeep. Tapos kinuha ko 'yung phone ko at nag-text ako sa SME.
"Ilagay mo si Lemuel sa cancellations queue. Tingnan natin ilang gabi ang heir."