Skip to content

Buhay ang Anak Ko

Kabanata 3

Alas-diyes ng umaga nang tumawag ang school ni Iñigo. Nasa study pa ako, nag-aayos ng worksheet, nang iniabot sa'kin ng mayordoma ang phone na parang basahan.

"Teacher, ikaw daw ang kausapin."

"May nangyari po sa recess," sabi ng babae sa kabilang linya. "May kaklase pong nagsabi sa kanya ng 'Wala kang nanay.' Ayaw na pong umalis ni Iñigo sa reading corner. Isang oras na po."

Hindi ko maalala kung paano ako nakarating doon. Ang alam ko lang, pagdating ko, nasa sulok siya, nakaupo sa carpet, nakayakap sa isang libro ng dinosaur na baligtad.

Sa opisina ng principal, naroon na 'yung tatay ng kaklase. Naka-polo, may relo na pinapakita niya kahit hindi naman tinatanong.

"Kids talk," sabi niya, nakangiti pa. "Everyone knows the mother left him. That's not my son's fault. That's a fact."

Tumayo ako nang mabagal. Nilapag ko 'yung bag ko sa upuan.

"Ulitin n'yo nga po 'yon, Sir."

Tumingin siya sa principal, parang naghihintay ng tulong. Ang principal, tiningnan 'yung pangalan ng kompanya sa visitor's log, tapos ngumiti ng ngiting pang-donasyon.

"Teacher, baka po pwedeng—"

Bumukas ang pinto.

Si Carlos. Hindi siya tumakbo, pero mabilis ang hininga niya at may lanyard pa siyang nakasabit—galing talaga siya sa meeting. Nalaman ko na lang mamaya na iniwan niya 'yon sa gitna, pagkatawag ng school.

"Good morning," sabi niya sa principal. Tapos sa lalaki: "Your distribution contract renews next month. Apologize to him. Not to me."

Tahimik ang kwarto. Narinig ko 'yung aircon.

Lumuhod 'yung lalaki sa harap ni Iñigo, matigas ang likod, pula ang tenga.

"I'm sorry, iho. Mali ang sinabi ng anak ko."

Hindi tumingin si Iñigo. Tumango lang, saglit, 'yung tango na natutunan niya sa bahay na 'yon.

Tapos umupo si Carlos sa carpet. Sa carpet, naka-slacks, parang wala lang.

"Hey. Alam mo bang may dinosaur na mas maliit pa sa pusa?"

"That's fake."

"Totoo. Google natin. Pero kapag natalo kita, you carry my bag to the car."

"Ikaw ang may bag!"

"Exactly. Ang bigat."

Tumawa si Iñigo. Wala pang isang minuto. Ako, isang linggo nang sinusubukan.

Sa kotse, natulog si Iñigo sa likod matapos siyang ihatid namin sa yaya sa clinic para sa check-up. Kami lang ang naiwan sa parking.

Hinawakan ni Carlos ang manibela, pero hindi nag-start.

"Kumain ka na ba?"

Pitong taon. Ganoon din ang tono, ganoon din ang oras ng tanong. Parang walang nangyari sa pagitan. Napatingin ako sa labas ng bintana kasi bigla kong hindi alam kung saan ilalagay ang mukha ko.

"Carlos," sabi ko. Mahina. "Kanino siyang anak?"

Hindi siya sumagot agad.

"Kanino siyang anak, Carlos?"

Nakatingin siya sa salamin, doon sa natutulog na bata.

"Mel, makinig ka muna." Tumingin siya sa'kin, at Tagalog na siya ngayon, dahan-dahan. "Hangga't wala tayong patunay, teacher ka lang niya. Huwag na huwag mong sasabihin sa kanya kung sino ka."

Nanginginig na ang kamay ko sa kandungan ko. "Bakit? Bakit ko sasabihin? Ano ba'ng sasabihin ko?"

Hinaplos niya 'yung peklat sa likod ng kaliwang kamay niya, isang beses, tapos itinigil.

"Anak mo siya, Mel."