Kabanata 3
Sinara ng Don ang gate sa sapa, at kinabukasan ng umaga, dalawandaang ulo ng baka ang umuungal doon sa init.
Alas-otso pa lang, parang alas-dose na ang araw. Nakatayo kami sa gilid ng cattle path, sa harap ng kawad na gate. Sa kabila, kita ang tubig. Dito, alikabok lang at dila ng mga baka sa hangin.
"Abaw, Doc," sabi ng foreman, punas ang noo sa manggas. "Apatnapung taon na pong umiinom dito ang mga baka ng Lunhaw. Tuwing tag-init. Kamayan lang 'yon ng tatay ni Ser at ng tatay ng Don. Wala pong papel. Ni isa."
"Kaya pala kayang isara sa isang gabi," sabi ko.
Dumaan ako sa gilid ng kawan. Pinisil ko ang balat sa leeg ng isang buntis na baka. Mabagal bumalik.
"Ser," sabi ko kay Bart. "Sa ganitong init, 'yung buntis na baka, tatlong araw na walang tubig — bubuwal 'yan. At 'pag bumuwal, hindi na tumatayo. Ganoon lang kasimple."
Hindi sumagot si Bart. Inilabas niya ang phone niya at lumakad ng kaunti sa may punong kaimito. Isang tawag. Mas maikli pa sa ginawa kong paliwanag.
Bago mag-tanghali, may narinig kaming busina sa kalsada. Fire truck ng bayan, pula, maalikabok, kasunod ang dalawang water truck. Kalahati ng Milagros, nagtrabaho sa tatay ni Bart noon. Hindi na kailangang ipaliwanag 'yon sa akin.
"Ser Bart! Nasaan ang trough?" sigaw ng isang driver, nakasandal sa pinto, nakangisi. "Libre ba ang merienda?"
"Mamaya," sabi ni Bart.
Itinaas niya lang ang kamay niya, hindi pa nga tapos, nagkalat na ang mga bakero — lubid, tangke, kanal, hati ng kawan. Parang orkestra na kabisado na ang kanta.
Sa kabilang panig ng gate, may matandang lalaking tagabantay na nakatayo. Pagdaan ni Bart, hinubad nito ang sumbrero at niyuko siya.
"Ser," sabi nito, mahina.
Maghapon kaming nagbuhos ng tubig. Binilang ko ang mga nanghihina, minarkahan ng chalk ang likod. Dumating 'yung sandaling umikot ang paningin ko at puti ang lahat sa gilid ng mata ko.
May bumagsak na lilim sa mukha ko.
Hindi ko namalayang nasa ulo ko na ang sumbrero ni Bart. Tapos lumipat siya ng tayo, isang hakbang lang, para tabingan ako ng anino niya. Sa araw siya. Ako sa lilim. Walang sinabi. Ni hindi niya ako tiningnan.
"Ser—"
"Inumin mo 'yan," turo niya sa tubig.
Mamaya-maya, inilapag niya ang papel sa hood ng pickup, 'yung kontrata, 'yung hiniram niyang ballpen ko. Umusok ang init sa metal. Pumirma siya, mabilis, hindi na binasa ulit. Tinupi niya at ibinalik sa akin.
"Sa vet kit mo," sabi niya.
Takipsilim nang may dumating sa path. Matandang lalaki, naglalakad, hindi sakay ng kahit ano, may tungkod na gawa sa lumang hawakan ng lasso. Dahan-dahan ang hakbang niya, pero alam na alam niya ang daan — parang binibilang ng paa niya ang lupa. Nakakunot ang mata niya, nakakipot, parang kinukuha ang hugis ko mula sa dilim.
Tumayo si Bart at nagtanggal ng sumbrero. "Don."
Dumaan lang sa kanya ang matanda. Dumeretso sa akin. Huminto, isang dangkal ang layo, saka hinawakan nang mahigpit ang tungkod.
"Bumalik ka," sabi niya.
Napatingin ako sa foreman. Wala ring maintindihan ang foreman.
"Po?"
"Bumalik ka." Mahina, basag ang boses, pero sigurado.
"Don... hindi n'yo po ako kilala."
Tumingin siya sa mukha ko nang matagal. Napakatagal. Humugot siya ng hangin, ang haba, parang may binabalikan.
"Pasensya na, iha. Kamukha mo siya."