Skip to content

Engineer Ka, Ma'am?

Kabanata 4

Kinabukasan, umulan ulit. Nakatayo kaming lahat sa gilid ng hukay, basa na ang balikat ko bago pa umabot sa unang core.

Umaandar ang rig, tapos tumigil. Hinila nila paitaas ang core tube. Pinatong ng classmate ko sa kahoy, binuksan, at tumingin kaming tatlo.

Sa lalim na sinasabi ng report na bato, walang bato.

Malambot na itim na putik. Amoy sapa. At sa gitna n'on, mga piraso ng lumang kawayan, hiwa-hiwalay, basa pa rin pagkatapos ng ilang taon sa ilalim.

Kinuha ko ang isang piraso. Sumasagad sa kuko ko ang lambot.

"Pat," sabi ng classmate ko, mabilis, "sa part na 'to ng BGC, bato ang ilalim. Solid. Walang ganitong putik dito nang natural. Kapag ganyan kalalim ang lambot, may tao 'yan. May tinambakan."

"Ulitin natin."

Nilipat nila ang rig, ilang hakbang lang sa gilid. Inulit. Parehong itim. Parehong kawayan.

Nakatayo lang ako sandali sa ulan. Tapos sinabi ko nang malakas, para marinig ng lahat.

"Sapa 'to dati. May ilog sa ilalim ng tower n'yo."

"There's no creek on any map," sabi ni Brent.

"Opo. Wala." Tiningnan ko siya. "Pero nandito 'yung kawayan."

Hindi siya sumagot. Nakatitig siya sa core box na hawak na ng classmate ko, na parang kung titigan niya nang matagal, magbabago ang laman.

Kinuha ko ang ballpen sa bulsa ko. Ulan, walang papel na hindi nalulusaw. Kaya sa likod ng kaliwang kamay ko ko isinulat: depth ng unang putik, depth ng pangalawa, depth kung saan dapat bato.

"Engineer."

Hinawakan niya ang pulso ko.

Hindi marahas. Binaling lang niya ang kamay ko papunta sa ilaw ng flashlight niya para mabasa ang mga numero. Mainit ang palad niya kahit basa ang lahat. Malapit na malapit ang ulo niya sa kamay ko.

Binasa niya nang tahimik. Isang beses. Dalawang beses.

Hindi ko binawi ang kamay ko. Hindi rin niya binitawan.

"You write on yourself," sabi niya.

"Mas matagal po kaysa papel."

Tumingala siya. Doon lang niya ako binitawan, at parang mas malamig bigla ang ulan.

"Kailangan ko po ng kopya nito sa gabi," sabi ko sa classmate ko, pagharap ko ulit. "Buong core, may photo, may label."

"We'll have it documented," sagot niya—English, dahil nakikinig si Brent. Natawa ako. Siniko ko siya.

"Ano 'yun?" tanong ni Brent.

"Wala po."

Sa baba ng hukay, may nakita akong umuusog sa tabi ng pump. 'Yung young laborer. Batang taga-Kanlungan, anak ng kapitbahay namin dati, ako ang nagpasok sa kanya dito. Nililinis niya 'yung inlet ng pump, nakatuhod sa tubig, maingat na maingat gaya ng dati.

"'Wag ka munang bumaba pa," sigaw ko. "Alas-singko ka na umakyat!"

"Opo, Ate—opo, Ma'am Pat!"

Tumawa 'yung crew sa gilid.

Tapos may narinig akong tunog. Hindi malakas. Parang sanga na nabali, isang putok lang sa ilalim ng ulan.

Napatingin ako sa east wall.

Umumbok.

"Lahat, akyat! Ngayon!"

Tumakbo ang mga tao sa hagdan. May nahulog na hard hat. Nag-ingay ang bakal.

Nasa baba pa rin ang bata.