Kabanata 5
Alas-nwebe ng gabi, nasa kusina ko, hawak ko pa rin 'yung sobre. Umuulan. Dinig na dinig sa bubong ng cottage.
Sabi ko sa sarili ko, isasauli ko. Hindi akin 'to.
Pero sinipat ko 'yung sulat-kamay ni Gab sa labas, 'yung letrang G na pahilig, at bigla kong naalala 'yung kamay niyang maliit noong tinuturuan ko siya. At binuksan ko.
Isang pahina lang. Papel na galing sa notebook, may mga butas pa sa gilid.
"Papa, huwag mo pong sasabihin kay Mama, pero umiiyak siya sa video call kapag akala niya tulog na ako. Alagaan mo po siya. Promise pa rin natin, ha? Kapag gusto mong uminom, sumulat ka na lang po sa akin. Ang anak mong pogi, Gab."
Binasa ko ulit. Tapos ulit.
Akala ko tahimik ako umiyak. Akala ko sa dilim, walang nakakakita.
Hindi ko na hinanap 'yung payong. Tumawid ako sa race, basa ang damit bago pa ako umabot sa kabila, at kumatok sa pinto ni Lando.
Bumukas. Naka-kamiseta lang siya, may hawak na tasa. Ikiniling niya 'yung ulo niya sa kanan, 'yung dati niyang ginagawa kapag may dinig siyang hindi niya maintindihan.
Inilahad ko 'yung sulat.
"Binuksan ko," sabi ko.
Hindi niya ako tinanong kung bakit. Kinuha niya 'yung papel, binasa, at sa buong panahong 'yon, hindi gumalaw 'yung mukha niya—hanggang sa parte ng umiiyak. Doon siya huminto.
Tumingin siya sa akin. Hindi sa papel. Sa akin, basa ang buhok ko, nakatayo sa ulan.
"Anak mo siya," sabi niya. "Karapatan mo."
At doon, hindi ko alam kung bakit ang init ng mukha ko, gayong nanginginig ako sa lamig.
"Ano'ng promise?" tanong ko. "Agustin. Ano'ng promise n'yong dalawa?"
Bumuka 'yung bibig niya. Hindi pa siya nakakasagot nang tumunog 'yung phone ko sa bulsa ng jacket.
Nanay. Alas-onse na sa amin. Hindi tumatawag si Nanay nang ganoong oras kahit kailan.
Sinagot ko sa speaker. Nanginginig na 'yung kamay ko bago pa siya magsalita.
"Nesnes." Maingay sa likod niya—parang pasilyo, parang bentilador. "Nasa ospital kami. Sa provincial. Si Gab."
Napahawak ako sa pinto.
"Nay, ano'ng nangyari?"
"Dengue, apo. Tatlong araw nang nilalagnat, akala namin trangkaso lang. Kinuhanan siya ng dugo kanina." Huminto siya. "Bumababa 'yung platelets niya, Nesnes. Inilipat na nila siya doon sa ward ng mga malubha."
Hindi ko naramdaman 'yung ulan. Parang may humawak sa dibdib ko at pinisil.
"Gising ba siya? Nay, pakausap nga—"
"Gising. Masyadong gising." Narinig kong humugot siya ng hininga. "Wen, may dextrose. Binabantayan sila kada ilang oras. Pero ang liit-liit niya tingnan, Nesnes, parang bumalik siya sa anim na taon."
Lumapit si Lando. Hindi siya nagsalita, hindi siya humipo. Tumayo lang siya sa tabi ko, para marinig, at nakita kong puti na ang buko ng kamay niya sa paghawak sa pinto.
"Uuwi ako," sabi ko. "Bukas, Nay. Maghahanap ako ng flight—"
"Nesnes."
Tumigil ako.
"May sinasabi siya kanina, paulit-ulit, habang tinutusok siya," sabi ni Nanay, at nabasag 'yung boses niya sa dulo. "Nesnes, ayaw niyang matulog. Ang hinahanap niya, ang papa niya."
