Kabanata 3
Alas-kwatro y medya ng hapon, nasa gate ako ng pier, nakatayo sa ilalim ng araw, nakatingin sa container namin na hindi umaandar.
Christmas order 'yon. Hopia at ensaymada para sa isang mall chain sa Manila. Dalawang linggo naming pinaghirapan 'yon sa kusina.
"Ma'am, kulang ang stamp," sabi ng lalaki sa gate, nakatingin sa papel ni Papa. "Ang container nga kulang ug papeles, dili mosakay. Alas-otso ang alis sa barko. Pero kung dili ka ma-load sa alas-sais, isang semana ka pang maghuhulat."
Isang linggo. Pasko na. Wala nang isang linggo.
Tumawag ako kay Papa. Nasa Carcar siya. Tumawag ako sa office ng shipping. Nag-hold ako ng labing-pitong minuto.
Tapos binuksan ko 'yung phone ko at nag-type ako ng isang salita.
"Help."
Alas-singko, may pumasok na sasakyan sa compound.
Pagbukas ng pinto ng office, tumayo ang lahat. Lahat talaga. 'Yung mga nasa computer, 'yung may hawak na clipboard, 'yung naglalagay ng tubig sa dispenser.
"Sir Wils," sabi nila, sabay-sabay, parang simbahan.
Polo lang siya, naka-roll up ang manggas, at nakita ko 'yung socks niya pagbaba ng mesa—may ships na maliliit. Hindi ko na siya kinomento.
Tiningnan niya 'yung papel. "Okay. Nasa akin na 'to."
Pumirma siya ng tatlong beses. May tinawagan siya. Pinakita sa kanya ng isang staff ang penalty amount at kumunot ang noo niya saglit, tapos binanggit niya ang sarili niyang account number, hindi 'yung sa kumpanya.
"Sir, sa billing po natin—"
"Unahin n'yo 'to," sabi niya. "Sa akin ang penalty."
Gusto kong magsalita. Wala akong nasabi.
Lumabas kami sa gilid ng bodega. Mainit pa rin, amoy diesel at dagat. Doon niya nilabas sa likod niya 'yung maliit na paper bag.
Ensaymada. Galing sa bakery namin.
"Sabi mo, hindi ka nakakakain ng gawa mo," sabi niya.
"Binili mo 'to sa amin."
"Oo. Nagbayad ako. May resibo ako." Umupo siya sa gilid ng pallet. "Kain ka na, Gretchen, nakakahiya naman sa pila ko kanina."
Kumagat ako. Mainit pa rin kahit papaano, at ewan ko, hindi naman niya ginawa, pero parang mas masarap.
Tumunog 'yung phone niya sa mesa ng pallet. Nakita ko 'yung pangalan sa screen. 'Yung girlfriend niya.
Hindi niya ginalaw. Nakatingin siya sa crane.
Umangat ang container namin. Dahan-dahan, umiikot sa hangin, 'yung pangalan ng Panaderia Tan nakapinta sa gilid. Bumaba sa deck. Kalabog.
Tumigil ang phone sa pagtunog.
"Alas-singko y medya," sabi ko.
"Advanced tayo," sabi niya, at pinunasan niya ang kamay niya sa pantalon niya na parang siya ang nagbuhat.
Alas-diyes ng gabi, nasa kusina pa rin si Ama.
Mag-isa siya sa ilalim ng ilaw, naghahalo ng ube filling. Purple ang mga dulo ng daliri niya, hanggang kuko, 'yung kulay na hindi na nawawala kahit maghugas ka ng ilang beses. Ganoon ang kamay niya tuwing Disyembre, simula pa noong bata ako.
"Ama," sabi ko. "Nakasakay po ang order. Nasa barko na."
"Hmm," sabi niya.
Naghugas ako ng mangkok. Tumunog 'yung singsing sa string ko sa gilid ng lababo.
"Si Wilson po ang nag-ayos. Siya pa ang nagbayad ng penalty."
Wala siyang sinabi. Nagpatuloy lang sa paghalo. Akala ko tapos na ang usapan, at pinupunasan ko na ang mesa nang magsalita siya, hindi umaangat ang tingin.
"Kanang imong uyab nga photographer, ayaw na siya pasudla sa akong kusina."
Natigil ang kamay ko sa basahan.
'Yang photographer na boyfriend mo, huwag mo nang papasukin sa kusina ko.