Kabanata 3
Hindi natulog si Mama buong gabi. Alam ko kasi tatlong beses akong nagising sa tunog ng TV sa sala. Pagkaumaga, habang naglalagay siya ng asukal sa kape ko, isa lang ang sinabi niya.
"Dalhin mo rito bukas ng hapunan."
Wala akong nasagot. Umalis na lang ako papuntang Studio 4.
Alas-nuwebe, namimigay na ng waiver 'yung PA, hingal pa rin, parang hindi natutulog magmula noong Lunes.
"Ma'am Carla, po, pirma lang po dito," sabi niya. "Tapos rule po pala: ang sinumang staff na may personal na relasyon sa kahit sinong contestant, kailangan po i-declare. Nakasulat po. Walang exception."
Pumirma ako. Si Jeff, binasa muna ang buong papel, dalawang minuto, bawat linya, tapos saka pumirma nang maliit at pantay.
Tapos may bumaba mula sa booth.
Babaeng naka-blazer na nakasabit lang sa balikat, parang kapa, at may headset sa leeg. Hindi siya nagmamadali. Lahat ng tao sa set, bumitiw sa ginagawa nila nang kalahating segundo.
"Hello, Jeffrey," sabi niya.
"Margaux," sabi ni Jeff.
Wala nang iba. Walang ngiti, walang pakilala, walang tanong. Dumaan lang siya papunta sa harap ng platform at nag-usap sa floor director na parang wala kaming narinig.
Tumingin ako kay Jeff. Nakatingin siya sa kisame. Pero hindi 'yung tingin na may kinakalkula.
Ginagawa na 'yung rig para sa segment—'yung bakal na nakabitin sa taas ng platform, may nakasabit na malaking letrang gawa sa plywood. May mga tao sa itaas, may clamp, may lubid.
Umakyat si Jeff ng dalawang baitang sa platform at tumingala.
"That clamp is rated for half that load," sabi niya, malakas, para marinig.
Tumawa 'yung floor director. "Sir, hindi po kayo crew."
"Seven hundred fifty kilos ang rating," sabi ni Jeff, parang binabasa sa hangin. "Ang bitbit no'n, mahigit isang libo apat na raan. Nakita ko ang invoice kahapon sa art department, alas-onse y kinse ng umaga, habang hinihintay kong ibalik ang drawings ko."
Natahimik ang set.
Umakyat 'yung art department head—'yung mismong lalaking nag-reject ng mga plano ni Jeff noong isang araw. Gruff siya, laging may lapis sa tenga. Hinawakan niya 'yung clamp. Tiningnan. Tapos namutla.
"Baba lahat ng couples," sigaw niya. "Ngayon na. Hold muna. I-re-rig natin."
Isang oras kaming naghintay sa gilid. Hindi bumagsak ang rig. Pero mula noon, iba na ang tingin ng crew kay Jeff. 'Yung lighting guy, nag-abot ng tubig sa kanya. Hindi man lang siya nilingon ni Jeff—nag-thank you lang, pormal, parang nasa office.
"Hanapin ang Kamay," sabi ng host paglipat ng segment. "Mga Misis, piringan! Lima ang kamay. Isa lang ang asawa mo! Alam mo ba, Mahal?"
"Ayiee!"
Itinali nila ang piring sa akin. Ang lamig ng studio, pero pinagpapawisan ako sa batok.
Unang kamay—hinawakan ako agad, mahigpit. Hindi. Pangalawa, hinila pa ang daliri ko. Pangatlo, kinalabit. Pang-apat, hinaplos ang palad ko, tapos tumawa 'yung audience.
Panlima. Walang gumalaw.
Nakabukas lang 'yung palad. Nakataas. Naghihintay.
Doon ko inilapag ang kamay ko, at saka lang nagsara ang mga daliri niya.
"Ayiee!"
Nang tanggalin nila ang piring, hindi ako makatingin sa kanya nang diretso. Naayos ko 'yung capsule clip ko sa buhok para may gawin ang kamay ko.
Pagkatapos ng taping, palabas na kami. Nasa pintuan si Margaux, nakasandal, naka-blazer pa rin na parang kapa.
Dumaan si Jeff sa tabi niya.
"You still button it all the way up, Jeffrey."