Kabanata 4
Mga alas-siyete ng gabi, tinawag ako ni Kiko paakyat sa rooftop nila. Ni hindi niya binanggit 'yung nakita ko. Alam ko namang 'yon ang usapan.
Magkatapat ang dalawang bubong — 'yung sa amin at 'yung sa kanila — hiwalay lang ng kalye. Naka-sampay pa 'yung mga apron nila. Amoy uling ang buong hangin, kahit patay na ang baga.
May dalawang beer siya. Inabot niya sa akin ang isa, tapos umupo sa gilid, nakaharap sa bubong namin.
"You saw," sabi niya.
"Oo."
Matagal siyang hindi umimik. Tapos nawala 'yung English niya, basta na lang, parang pinatay na ilaw.
"Dalawang taon na. Dalawang taon nang hindi kayang hawakan ni La ang tungkod. 'Yung mga kamay niya, hindi na nagsasara." Nilaro niya 'yung takip ng bote. "Noong una, may matandang tagaihaw kami. Siya na ang gumagawa ng lahat. Tumigil siya last year. Umuwi sa Samar. May sakit 'yung asawa."
Tahimik lang ako. Minsan, kapag may nagsasalita, hindi mo dapat ginagalaw ang apoy.
"Simula noon, ang pumipihit, kung sino na lang ang nandoon. Mga bata. Mabilis, pabaya, basta maibenta." Uminom siya. "Tama ang Lola mo, Macaraeg. Tuyo ang lechon namin."
Aminin ko, matagal kong hinintay na marinig 'yon. Akala ko masarap. Hindi pala.
"Kaya ka pinauwi."
"Tinawagan niya ako. Isang minuto lang ang tawag. 'Uwi ka.' Wala nang iba." Ngumiti siya nang walang ngiti. "Ten years, hindi niya ako tinawagan para sabihing miss niya ako. Pero isang pig, agad."
"Bakit hindi ka natuto no'ng bata ka?"
"Hindi nila ako pinayagan." Tumingin siya sa baba, sa pit nila. "Si Mama at si La, sila ang nagpadala sa akin sa labas. 'Matuto ka ng totoong pagluluto,' sabi nila. 'Huwag kang mag-amoy uling habambuhay.' So I went. Lyon. Ten years. Sauces, plating, mise en place. Alam kong gawin ang lahat sa mundo maliban sa iisang bagay na kailangan ng pamilya ko ngayon."
Grabe. Pinadala siya sa kabilang mundo para maging magaling, tapos pinauwi para gawin 'yung hindi nila itinuro.
"Macaraeg." Humarap siya sa akin. "Huwag mong sasabihin sa Lola mo. Kung malalaman niyang hindi na kayang mag-ihaw ni La, sa susunod na magkaharap sila sa gitna, patay 'yung Lola ko. Hindi niya matatagalan 'yon."
Nag-isip ako. Ang dali sanang armas. Ang dali.
"Hindi ko sasabihin," sabi ko. "Pero hindi ka na magsusuot ng puti sa pit ko. Nakakasilaw ka. Parang nurse."
Tumawa siya. Totoong tawa, biglaan, medyo pangit pa nga — unang beses ko siyang narinig na ganoon mula noong dumating siya. Napatingin ako sa kanya nang mas matagal kaysa dapat.
"Deal," sabi niya. Tapos humarap siya sa akin, at nawala ulit 'yung tawa, at naging ibang klase ang mukha niya. "Macaraeg—"
Nag-vibrate 'yung phone ko sa semento sa pagitan namin. Nagliwanag ang screen.
Si Mama.
"Doble raw ang alok ng Alcanzar kung tayo lang ang magbebenta. Umuwi ka."