Skip to content

Huwag Labagin ang Rule Number 7

Kabanata 4

Kinabukasan ng gabi, naroon ulit ako sa tabi ng tower, nakataas ang phone, hinihintay ang isang bar.

"'Day," sabi agad ni Mama, parang hinihintay niya rin ako. "Hindi ako nakatulog kagabi."

"Ma, sabihin n'yo na po."

Marahan siyang nagsalita. Sabi nila, lumubog daw ang bangka ni Papa noong bagyo. 'Yon ang sinabi sa kanya. Wala raw naibalik, walang kahit ano.

"Pero may dumating, 'Day. Isang buwan pagkatapos. Simula noon, tuwing katapusan, may padalang five thousand ang Medrano Foundation. Labingwalong taon na. Hindi 'yon nahuhuli kahit minsan."

Naramdaman ko ang lamig ng semento sa likod ko.

"At 'yung scholarship ko po?"

"Galing din sa kanila." Parang nahihiya ang boses niya. "Ayokong sabihin sa'yo. Ayokong pabigatan ka ng lumang lungkot. Masaya na sana ako na may pag-aaral ka."

Tumango ako kahit hindi niya nakikita.

"'Day? Huwag ka na lang magtanong doon, ha?"

"Opo, Ma."

Pangalawang beses ko nang sinungaling sa nanay ko sa loob ng apat na araw.

Alas-otso, nasa shower block ako ng Kabibe. Nakatuwalya, basa ang buhok, nakasabit sa pulso ko ang tatlong rubber band—itim, kupas na pula, 'yung maputi na sa luma.

Nakasandal sa pinto ang presidente ng Perlas. Hindi raw sila dapat pumasok dito. Rule four.

"Oh. Hi." Ngumiti siya. "Just a friendly heads up, ha?"

"Pres, puwede bang bukas?"

"He's a Medrano, scholar girl." Ang linaw ng pagkakasabi niya, parang inaral. "His Lola is the Directress. He'll report you before he ever kisses you, Cy's like that."

Humigpit ang hawak ko sa tuwalya.

"Cy," ulit ko.

"That's what I call him." Kumindat siya. "Night."

Umalis siya. At ang sama ng loob ko—hindi sa pangalan, kundi sa katotohanang nasaktan ako sa isang pangalan.

Alas-nuwebe, kumatok siya para sa phone. Inilagay ko sa kahon. Isinulat niya ang pangalan ko sa logbook, sinara, tapos hindi agad umalis.

"Something else, Marshal?"

Tumingin siya sa pasilyo, hindi sa akin. "Lock your door tonight, Miss Pacana. Rule four isn't the only thing that walks these halls at night."

May isang bagay sa boses niya na hindi handbook.

"Sige, sige," sabi ko.

Tiningnan niya ako nang matagal, na parang alam niyang 'yon ang pinaka-malaking kasinungalingan sa gabing 'yon. Tapos umalis siya.

Ni-lock ko ang pinto. Tapos hinubad ko ang punda ng unan ko kasi tatlong gabi ko nang naaamoy ang lumang kurtina doon.

May tumigas sa loob.

Papel. Tiniklop nang apat, malambot na sa gilid, parang matagal nang dala-dala ng isang tao sa bulsa.

Mapa. Sulat-kamay, lumang tinta. Nandoon ang pier, ang main building, ang linya ng mga puting bato—may nakasulat pang "ang Norte" sa itaas. May landas mula sa likod ng Kabibe, paikot sa burol, papunta sa isang ekis.

Sa tabi ng ekis, may maliit na sulat:

Siete — kung saan naiwan si Lolo.

Binasa ko 'yon ng tatlong beses. Hala. Hindi 'to galing sa roommate ko. Mas luma 'to kaysa sa kanya. Isinaksak niya 'to sa unan ko noong unang gabi, bago siya umalis—iniwan niya sa akin, hindi dinala.

Tiniklop ko ulit, maliit, at isinilid sa loob ng sapatos ko, sa ilalim ng insole.

Tapos tumingin ako sa kama sa kabila. Ayos pa rin ang kumot. Walang gusot. Parang walang natulog doon kahit kailan.

"Bukas ng gabi, Roomie. Tatawid ako."