Kabanata 3
Tatlong umaga na siyang nauuna sa 'kin sa sarili kong bukid.
Alas-singko, nandoon na si Joaquin sa dulo ng lote tres, naka-buri hat, may hawak na listahan ng trucks. Hindi siya nagpapansin. Pumupwesto lang siya sa tabi ng mga mamumutol at tumutulong magtali ng bigkis.
Sa pangatlong araw, narinig ko siyang tumawag. "Manong Dado, 'yang kaliwang row muna. Berto, 'wag mong iwan ang tuod, masyadong mataas."
Alam niya ang pangalan nila. Lahat sila. Ako nga, dalawang taon bago ko natutunan ang pangalan ng asawa ni Berto. Siya, tatlong umaga lang.
Hindi ko sinabing maganda 'yun. Pero hindi ko rin siya pinaalis.
Kaninang umaga, may sigawan sa labhanan.
Tumakbo ako pababa sa pilapil. Nasa pampang ng Bulawan ang mga tao ng mayordomo, may dalang post-hole digger at mga poste ng alambre. Isa-isa nilang itinatayo sa tabi mismo ng batong hinuhugasan ng mga babae namin mula pa noong panahon ni Lola.
Nasa tubig ang mga labandera, hawak pa ang mga damit, hindi umaalis.
"Private property po," sabi ng mayordomo, hindi tumitingin sa 'kin. "Utos ni Don."
Bumaba ako sa ilog. Tuhod ko ang lalim. Tumayo ako mismo sa harap ng digger, kaya huminto 'yung lalaking humuhukay.
"Limampung taon na pong naglalaba dito ang mga babae namin," sabi ko. "May permit po ba kayo sa pampang? Meron po ba kayong papel? Kasi kung wala, poste lang 'yan. Hindi batas."
Hindi sumagot ang mayordomo. Umiwas lang ng tingin.
Tapos may kabayong dumating.
Bumaba si Joaquin bago pa tumigil nang tuluyan si Bagyo. Lumusong siya sa tubig, pantalon, boots, lahat. Hinawakan niya ang unang poste gamit ang dalawang kamay niya, binuhat, binunot. Rumagasa ang putik at tubig sa paa niya.
Inihagis niya 'yun sa pampang.
"Bunutin n'yo lahat," sabi niya sa mayordomo. "Subong."
"Toto—"
"Subong."
At binunot nila. Isa-isa, sa harap ng mga tao ng Bulawan, sa harap ng mga labandera namin na tahimik na tahimik, na parang nanonood ng sine. Isang babae lang ang nagsalita, mahina, pero narinig ng lahat: "Ay, Diyos ko."
Hindi tumingin sa 'kin si Joaquin. Pinulot lang niya ang hat niyang nalaglag sa tubig, pinisil ang tubig, isinuot ulit.
Mainit ang mukha ko at hindi dahil sa araw.
Kinagabihan, dumating siya sa bakuran namin. May dalang harvest schedule, naka-clip sa folder.
Hindi pa siya nakakaakyat sa ikalawang baitang, lumabas si Lola, hawak ang walis tambo.
"Arboleda," sabi ni Lola. "Indi ka pwede dito."
"Lola po, schedule lang po ng trucks—"
Hinampas niya ang hagdan sa tabi mismo ng paa ni Joaquin. Umatras ang lalaki. Hinampas ulit ni Lola, pababa, hanggang sa nasa bakuran na siya at hinahabol pa rin ng walis.
"Ibigay mo sa apo ko sa bukid! Hindi sa porch ko!"
Iniabot niya sa 'kin ang folder, mula sa labas ng bakod, parang bata na nangungutang ng bola. Tapos sumakay siya kay Bagyo.
Nakaupo si Papa sa may bintana, naka-wheelchair, pinapanood ang kabayong lumalayo sa dilim.
Hindi ko napigilan. "Pa," sabi ko, "sino po ba talaga ang may hawak ng utang natin?"
Matagal siyang hindi gumalaw.
Tapos kinuha niya ang marker. Nanginginig ang kamay niya, pero diniin niya nang diin ang bawat letra sa whiteboard.
"SILA ANG BANGKO."