Kabanata 4
Nakatayo pa rin ang Major sa tabi ng kotse niya habang nagsasalita ako. Hindi siya umupo. Hindi talaga siya umuupo.
Sinabi ko lahat. 'Yung maputla, 'yung pawis, 'yung kamay sa dibdib, 'yung tubig.
Isinulat niya. Tapos isinara niya ang notebook.
"Binibining Andrea," sabi niya, "naiintindihan ko kayo. Ngunit hindi ninyo nakita. Narinig ninyo lamang mula kay Ginoong Velez. Hearsay po 'yan. Kailangang siya mismo ang magsalita."
"Hindi po siya magsasalita, Major."
"Kung gayon, wala pa rin tayo." Tumango siya, magalang. "Mabuti pa rin na sinabi ninyo."
Tanghali, pumunta ako sa media office. May livestream footage. Buong exam, naka-record, uncut. Doon makikita kung saan tumayo ang head judge.
Nakayuko 'yung media officer sa monitor, nag-aayos ng kung anong hindi naman sira.
"Kuya," sabi ko. "'Yung raw footage po."
Hindi siya tumingin sa akin. "Andrea, ano... wait, ha." Kinuskos niya ang batok niya. "Galing sa office ni Chef. Corrupted daw 'yung raw file. 'Yung buong drive. Kaya 'yung edited lang ang meron tayo."
"Corrupted."
"Sabi nila. Hindi ko rin gets, promise. Pero hindi ko pwedeng... alam mo na."
Tumingin siya sa akin sa wakas, isang segundo lang, tapos umiwas ulit.
Alas-diyes ng gabi, pumasok ako sa likod. Alam ko ang daan kahit nakapikit—tatlong taon kong nilakad 'yan. Dumaan ako sa dish station, 'yung malalaking lababo, 'yung amoy ng sabon at kumukulong tubig, tapos sa cold room sa likod.
At doon siya. 'Yung maliit kong container, may masking tape, may sulat kong pangalan at petsa. Sample ng stock ko mula sa exam. Kinuha ko bago mag-plating, gaya ng ginagawa ko araw-araw, para may matikman ako kinabukasan.
Tinanggal ko ang takip. Amoy bulalo at luya. Linaw.
Isinubo ko.
"Are you insane?"
Hinablot niya 'yung pulso ko. Mainit ang kamay niya sa lamig ng cold room, at 'yung tape sa hinlalaki niya, nadama ko sa balat ko. Unang beses niya akong nahawakan.
Si Velez. Sumunod pala siya.
"Bitawan mo ako."
"Andrea, adelfa 'yan—"
"Alam ko ang luto ko." Tumingin ako sa kanya nang diretso. "Kung may lason 'yan, ako ang unang makakatikim."
Hindi niya binitawan. Pero kinuha niya 'yung container gamit ang kabilang kamay, at bago ko siya mapigilan, uminom din siya.
"Gino!"
Huminto siya. "Sabi mo, ikaw ang unang makakatikim. So ngayon, dalawa na." Pinunasan niya ang bibig niya. "Ayoko ng ikaw lang."
Napatingin kami sa isa't isa. Tahimik ang cold room, 'yung compressor lang ang humuhuni.
Dalawampung segundo. Tatlumpu. Isang minuto.
Wala.
Naupo ako sa malamig na sahig kasi parang nawalan ako ng tuhod. Naupo rin siya, nakasandal sa rack, at bigla kaming natawa—'yung klaseng tawa na parang iyak, 'yung tawa ng dalawang taong hindi namatay.
"Ang tanga natin," sabi ko.
"Ang tanga mo. Sumunod lang ako."
Nandoon pa rin ang kamay niya sa pulso ko. Hindi niya tinanggal. Hindi ko rin sinabing tanggalin.
Tapos naalala ko kung bakit ako nandoon. Isinara ko ang container, inilagay sa malinis na plastic bag mula sa shelf, at tinalian.
"Ipapa-test natin. Bukas, sa Major."
"Sasamahan kita."
"Talaga?"
Bumuka ang bibig niya para sumagot.
Pero bumukas ang pinto ng cold room.
Nakatayo doon 'yung secretary ni Chef Arceo, hawak ang phone sa dalawang kamay, basang-basa ang mukha.
"Andeng..." Nanginginig ang boses niya. "Patay na po si Chef. Murder na raw ang kaso."