Kabanata 4
Kinabukasan, day off ko. Hindi pa rin umaalis sa ulo ko 'yung lalaking may payong.
Alas-nuwebe ng umaga, video call kami ni Ima. Maliit ang mukha niya sa screen, malapit sa camera, gaya ng dati.
"Kumakain ka ba, anak?"
"Opo. Ima, may sasabihin ako." Kinagat ko ang labi ko. "'Yung direktor po dito... si Kenji."
Tumahimik siya. Hindi lang isang segundo. Matagal.
"Ima?"
"Huwag kang lalapit sa kanya, anak." Mahina ang boses niya. "Umalis na 'yan minsan."
"Ima—"
Biglang sumulpot ang mukha ng kapatid ko sa likod niya. "Ate! Uy, Ate, 'yung tuition ko sana—next week na ang deadline, swear, last na 'to."
"Oo na. Padadala ko."
Nawala na si Ima sa frame. Hindi na siya bumalik bago namatay ang linya.
Pumunta ako sa Filipino grocery malapit sa Nagoya Station. Para lang may amoy ng bahay. Bagoong, Milo, dried mangoes, tatlong klase ng instant pancit.
"Iha, taga-saan ka?" tanong ng may-ari, kanta ang dulo ng bawat salita.
"Bacolor po."
"Ay! Kapampangan." Tumuro siya sa may freezer. "Tingnan mo 'yang Hapon na 'yan. Buwan-buwan, tocino. Kapampangan tocino lang. Ayaw ng iba."
Lumingon ako.
Naka-jacket siya, walang name plate, dalawang pack ng tocino ang hawak. Si Kenji.
Nagtama ang mata namin sa ibabaw ng freezer. Sa isang segundo, hindi siya ang direktor. Parang 'yung batang pinagsasabihan ni Ima kasi tinatapon niya ang balat ng mangga sa kanal.
"Lumalakad ka ba?" tanong niya.
Naglakad kami hanggang sa may ilog. Umupo kami sa bench sa tabi ng Hori River, malamig, malinis, puro siya tahimik na tubig. Walang kalampag na tricycle. Namiss ko ang kalampag.
"Para kay Lola ko 'to," sabi niya, itinaas ang isang pack. "Luto ni Mama noon. Ganito ang lasa. Halos."
"Halos lang talaga."
"Wa." Tumango siya. Tapos natawa siya sa sarili niya, parang nagulat na lumabas pala 'yung salita.
Tumingin ako sa tubig. "Naaalala mo pa ba 'yung puno ng mangga?"
"'Yung sa likod ng kapilya."
"Nahulog ako roon."
"Nahulog ka. Labindalawa ka." Tumingin siya sa akin. "Dugo lahat ang bibig mo. Umiyak ka, pero hindi dahil sa sakit. Umiyak ka kasi sabi mo pangit ka na."
Tinakpan ko ang bibig ko, pero huli na—natawa na ako, bukas ang bibig, kita ang bingaw.
"Binuhat mo ako pauwi."
"Mabigat ka."
"Ali! Payat ako noon."
"Mabigat ka pa rin." Ngumiti siya nang bahagya, 'yung klase ng ngiti na mabilis mawala. "Natalo tayo sa parol."
"Umulan. Nabaluktot 'yung isang tulis ng bituin."
"Sabi ko sa'yo, takpan natin ng plastic."
"Sabi mo masasayang 'yung capiz!"
Natahimik kami. Dumaan ang isang bangkang walang tao sa ilalim ng tulay.
Nandiyan na. Labinlimang taon kong dala 'yung tanong, at ngayon ang gusto ko lang, itapon ko na.
"Kenji." Mahina ang boses ko. "Bakit hindi ka man lang nagpaalam?"
Tumigas ang hawak niya sa plastic bag. Hindi siya tumingin sa akin.
"Nagpaalam ako."
"Hindi. Isang umaga, wala na kayo. Walang sulat. Wala—"
"Ruby." Tumingin siya. At sa unang beses buhat nang dumating ako sa Japan, tama ang Tagalog niya, walang hinahanap, walang baluktot.
"Alas-kwatro ng umaga, kumatok ako sa inyo. Ikaw ang hindi lumabas."