Kabanata 3
Alas-sais ng umaga. Hindi ako nakatulog.
Pagpasok ko sa Lab 4, nandoon na siya. Nakatayo sa tabi ng Table 14, naka-white coat, at may dalawang kape sa mesang bakal sa gilid. 'Yung isa, nakalapag sa tapat ng pwesto ko.
Wala pang ibang tao. Tahimik ang buong palapag. Amoy formalin, gaya ng dati.
Lumapit ako. Hindi ko hinawakan 'yung kape.
"Villacorta," sabi niya.
Binuksan ko 'yung bag ko. Kinuha ko 'yung nakatuping papel na isang taon ko nang dala-dala. Inilatag ko sa mesa sa tabi ng kape.
Mukha ni Ate. Nakangiti, 'yung litratong kuha sa birthday ni Mama. MISSING, nakalaking letra sa itaas. Sa ibaba, 'yung reward na pinautang pa ni Mama para lang maipa-print: fifty thousand.
"Kapatid ko siya," sabi ko. Halos hindi lumabas ang boses ko.
Hindi siya gumalaw. Tiningnan niya 'yung poster nang matagal. Tapos may itinuro siya sa ibabang bahagi — 'yung petsa.
"When did she go missing?"
Sinabi ko. Buwan, araw, taon.
Natahimik siya. 'Yung kaliwang kamay niya, 'yung laging may tinta, dumapo sa gilid ng mesa at doon na lang nanatili. Hindi siya nagsalita nang mahabang sandali, at sa tahimik na 'yon ko naramdaman na may alam siyang hindi ko alam.
"Bree," sabi niya. Hindi "Villacorta." "Itago mo muna 'yan."
Tinupi ko ulit 'yung poster.
Alas-otso, puno na ang lab. Dumating ang professor, may hawak na clipboard, at tumuloy sa amin.
"Table 14, let's begin with the anterior thoracic wall—"
"Sir." Si Kristian, kalmado, parang nagre-report lang ng attendance. "Our cadaver has an embalming problem. We'll use the prosection muna until Kuya checks it."
Tumango ang professor nang hindi man lang umaangat ng tingin sa clipboard. "Sige. Prosection muna kayo."
Ganoon lang. Walang tanong. Walang kahit isang follow-up.
"Grabe," bulong ng groupmate namin habang naglalakad kami papunta sa prosection table. "Ang bilis sumagot. Kung ako 'yung nagsabi, pinapirma pa ako ng tatlong form."
Hinawakan ko 'yung gilid ng mesa. Nandoon pa rin si Ate, nakatakip, hindi nabubuksan. Ngayong araw lang 'yon. Alam kong ngayong araw lang.
Pagkatapos ng klase, nilapitan kami ni Kuya sa may lababo. Nagkukunwari siyang naglilinis ng gripo.
"Doc," bulong niya, hindi kami tinitingnan. "Isa pang dapat niyong malaman. 'Yang sinabi niyo kanina — unfit, may problema sa embalming. Mabuti 'yan ngayon. Pero delikado rin."
"Bakit po?"
"Kapag na-mark na unfit ang isang cadaver, pwedeng hilahin agad. Dalhin sa crematorium. Hindi na kailangan ng committee, wala nang bote, apo." Pinihit niya ang gripo. "Pirma lang ng Dean. 'Yon lang."
Nanigas ang kamay ko sa basang bakal.
Sa stairwell kami nag-usap pagkatapos. Dalawang palapag pababa, doon sa may bintanang laging bukas at amoy ulan.
"Her intake record," sabi ni Kristian. "Every body has one. Nasa Donor Office 'yon, ground floor. Logbook, release papers, kung saan galing."
"Sa Donor Office nagtrabaho si Ate."
"I know." Huminto siya. "Isa pang rule. Every keycard swipe after ten at night is logged. 'Yung log, umaakyat sa taas tuwing umaga. Kung swipe mo ang gamitin, makikita nila na si Villacorta ang pumasok."
"Eh ikaw?"
"Makikita nila na pamangkin ng Dean ang pumasok." Kibit-balikat, parang maliit lang. "I'll use mine. Sige, ako na."
Tapos hinanap niya ang kamay ko. Binuksan niya 'yung palad ko at idiniin doon ang keycard niya — mainit pa, galing sa bulsa niya.
Hindi ko nabawi agad ang kamay ko.
"Eleven tonight. Ikaw ang may hawak para alam mong hindi 'to trap."