Skip to content

Kasal Pala Ako sa Best Friend Ko

Kabanata 4

Kinabukasan, alas-diyes ng umaga, nasa opisina ako ng isang abogada sa Dasmariñas.

Nakita ko 'yung pangalan niya sa legal list ng bangko. Ako ang nagbayad ng consultation, sarili kong pera, kasi sabi ko nga kay Nathan: ako na.

Maliit 'yung opisina. May electric fan, may dalawang filing cabinet, may kalendaryo ng isang funeral parlor. Mabilis siyang magsalita, parang sanay na sanay.

"Abby," sabi niya pagkatapos kong ilabas ang folder ko, "isang taon 'yan, minimum. Realistic? Dalawa. Kaya 'yang kasal mo next month, kalimutan mo na muna."

"Pero po, mali naman po 'yung kasal mula pa sa simula. Wala pong—"

"Kahit mali." Hinarap niya ako. "Kahit mali 'yan mula sa umpisa, kailangan pa ring may sabihin ang korte bago kayo makapag-asawa ulit, ikaw o siya. Walang shortcut. Wala talaga."

Tumango ako. Nakatali na naman 'yung buhok ko sa rubber band ng bangko.

"At ito 'yung pinakamahirap." Sumandal siya. "Kailangan mong patunayan na mula pa sa umpisa, hindi niya kayang maging asawa. At walang kasinungalingan, kahit isa. Titingnan 'yan ng fiscal. Trabaho nila 'yon—tingnan kung nagkasundo lang kayong dalawa."

"Hindi po ako magsisinungaling."

"Mabuti. Hindi rin kita tuturuan." Kumuha siya ng ballpen. "Ikuwento mo nga. Bakit kayo nagpakasal?"

Sinabi ko nang diretso. Wala namang misteryo.

Pitong taon na ang nakararaan. Siyam na taon nang wala si Papa noon. 'Yung tindahan ni Mama sa palengke, kulang na kulang—minsan sandamakmak na daing ang natitira sa gabi. Isang taon na lang ako para matapos ang banking degree ko, at wala akong pambayad.

Tapos dumating si Jonas, bagong hired sa Doha. Sabi niya, may spouse allowance 'yung kompanya nila. Ten thousand a month, diretso sa asawa.

"Kasal laang," sabi niya noon. "Papel laang."

Sa municipal hall ng Rosario. Sampung minuto. Hiram 'yung puting blouse ko sa pinsan ko, maluwag sa balikat. Dalawa ang witness, kapitbahay namin. Walang bulaklak, walang litrato, maliban sa isa na kinunan ng cellphone at blurred.

Sabi ng judge, "You may kiss the bride."

Halatang hindi kami handa. Lumapit si Jonas, hinawakan 'yung dalawang balikat ko, at hinalikan ang noo ko. Mabilis. Mainit 'yung labi niya sa balat ko at tumagal 'yon nang mas matagal kaysa dapat sa alaala ko.

Binulong ko, "Sa papel lang 'to, ha."

Hindi siya sumagot. Tumango lang.

Makalipas ang tatlong araw, umalis siya. Hindi ako sumama sa airport. Sabi ko may exam ako. Wala akong exam.

Tumigil ako sa pagsasalita. Tumigil din 'yung ballpen ng abogada.

"Sige," sabi niya. "Kailangan ko 'yung mga papel na pinirmahan niya apat na taon na ang nakararaan. 'Yung totoong kopya, hindi 'yang fake mong Decision."

Nag-text ako kay Jonas sa labas ng opisina. Isang oras bago sumagot.

"Nasa bahay."

Dalawang salita. Parang walang bigat, pero binasa ko 'yon ng tatlong beses sa jeep.

Sinundo ako ni Nathan sa Dasma. Pauwi kami nang tumunog ang phone niya sa dashboard. Mama niya. Speaker.

"Postponing means the whole province asks why, Abigail," sabi niya. Nakangiti 'yung boses. Alam ko 'yang ngiti na 'yan kahit hindi ko nakikita. "The church, the caterer, the Dizons, the Ongs. And what do we tell them, exactly?"

"Ma, I'll call you back," sabi ni Nathan, at pinatay niya.

Tahimik kami sa loob ng isang kilometro. Hawak ko 'yung folder ko sa hita.

"Nate, ibaba mo ako kina Jonas," sabi ko. "Ngayong gabi, papipirmahin ko siya."