Kabanata 2
Nakatayo pa rin ako sa tabi ng bintana, hawak ang phone ko na parang mainit na kaldero, nang sabay-sabay tumunog ang lahat ng phone sa kusina.
Pati akin.
Team group chat pala—nadagdag na ako kanina ni Cap, hindi ko man lang namalayan. Isang linya lang.
*Coach: Training 7am sharp.*
Ungol ng apat, sabay-sabay. Walang imik 'yung isa sa kalan.
Umupo ako sa dulo ng mesa at tiningnan ko silang isa-isa, parang nagre-review ako para sa exam na hindi ko pinag-aralan.
Si Cap, nagvi-video pa rin, nagsasalita sa camera na parang may audience. Si Manila, dalawang hinlalaki, ang bilis mag-type, tawa nang tawa sa sarili niya. Si Kips, tahimik, kumakain habang nanonood ng cooking videos nang walang earphones. Si Bunso, naglalaro, naka-full volume ang sound effects, nakasandal sa pader.
Tapos si Tope. Siya raw ang Chef. Nakatalikod, hinahalo ang nasa kaldero, at 'yung basag niyang phone nakataob sa tabi ng kalan, hindi man lang gumalaw. Sa hook sa tabi niya, nakasabit ang maitim na jacket na may paso sa dulo ng manggas.
"Akin 'yang kanin!" sigaw ni Bunso.
"Like, no. Hindi mo kaya, you already had two," sabi ni Manila habang hinihila ang mangkok.
Nagsiksikan sila. Natapon ang tubig sa mesa.
Ibinaba ni Tope ang sandok.
Wala siyang sinabi. Tumunog lang 'yung metal sa gilid ng kaldero, saka tumahimik ang buong mesa. Sineryoso nila agad. Grabe kaayo, parang may remote control 'yung tao.
Lumapit siya sa akin at nilagay sa harap ko ang isang mangkok ng dinengdeng. Nasa ibabaw, 'yung pinakamalaking piraso ng isda.
"Mangan ka. Malamig dito, hindi tulad sa inyo."
Tapos bumalik siya sa kalan. 'Yun lang. Ni hindi niya ako tinignan ulit.
Umubo ako. Hindi ko alam bakit ang init ng mukha ko sa bahay na gustong magyelo.
Kumain ako, pero tuloy ang trabaho ng utak ko. Isa sa kanila si Hamog. Isa sa limang ito.
"Guys," sabi ko, casual, "sino sa inyo 'yung hindi nagpo-post online? 'Yung parang wala talaga sa social media?"
Tumawa si Cap. "Si Chef? Walang Facebook 'yan. Pang-text lang ang phone niyan. Basag pa nga, 'di ba, pare?"
Walang sagot si Tope. Tinapik lang niya ang takip ng kaldero.
"GG," sabi ni Bunso. "Si Chef, mas marunong pa sa kalan kaysa sa phone."
Sa isip ko, ineksis ko agad siya. Apat na lang.
Pagkatapos kumain, bumalik ako sa bintana. Malamig ang salamin, basa ang gilid. Nag-type ako.
*Sino ka sa kanila?*
Send.
Sa likod ko, bumukas ang pinto sa may hallway at may ilaw na dumaan sa buong kusina. Si Apong, hawak ang flashlight niya, sinuyod ang mesa, ang lababo, ang hagdan.
"Alas onse."
Nagtayuan ang mga boys na parang mga bata. Umakyat sila nang paisa-isa, ingay ng sahig sa itaas, tawa ni Manila, reklamo ni Bunso.
Doon dumating ang reply.
*Huwag mo akong hahanapin, Pomelo. Ako ang lalapit.*