Kabanata 2
Madaling-araw pa lang, nasa bangka na ako ni Tatay pauwi—este, pabalik sa resort galing Corong-Corong. Lamig pa ng hangin, kulay abo pa ang dagat.
Hawak ni Tatay 'yung lumang notebook niya, 'yung boat log. Basang-basa na 'yung gilid, pero hindi niya pinapalitan.
"Alas-singko," bulong niya habang nagsusulat. "Isa. Ysa."
"Tay, anak mo po ako. Kailangan pa po ba?"
"Kailangan, 'Day." Hindi man lang siya tumingala. "Bawat biyahe, nakasulat. Oras, ilan, pangalan ng bisita. Ganyan pa noong panahon ni Lola. Indi 'yan nagbabago."
Tumango na lang ako. Nasa wallet ko 'yung bill na may pirmang S. Herrera, nakatupi nang apat. Buong gabi ko 'yun iniisip. Ngayong umaga, desidido na ako: isusumbong ko siya.
Pagdating ko sa front desk, naroon na siya. Naghihintay. May dalang dalawang kape sa mga kamay niya—'yung isa, kalahati na lang, tumulo sa manggas niya.
"Ma'am Ysa po," sabi niya. "Kape."
"Bakit po ba ako? Hindi ako bata."
"Sorry po." Inabot niya 'yung buo. 'Yung natapon, sa kanya. "Tungkol po sa bill kagabi. Technically, may permiso ako... sort of."
"Sort of."
"Sort of," ulit niya, seryosong-seryoso, parang legal term.
Hindi ko siya sinagot. Kinuha ko 'yung kape. Mainit pa. Ewan ko kung bakit hindi ko binitawan agad.
Alas-otso, briefing sa restaurant. Nakahilera kami—housekeeping, waiters, 'yung clerk ko, 'yung cashier. Naka-upo si Sir Roly, abaniko sa kamay, paypay nang paypay.
"Mga anak," simula niya, ngiting-ngiti. "Habang wala pa ang may-ari, ako ang batas dito. Walang tatawag, mag-e-email o magte-text sa Herrera nang hindi dumadaan sa akin. Lahat ng sumbong, sa akin."
Tahimik kami.
"Naaalala n'yo si Jun? 'Yung waiter? Isang bote lang ang nawala noong isang buwan." Ngumiti siya nang mas malambing. "Nasaan na siya ngayon?"
Walang sumagot. Alam ng lahat ang sagot.
Tapos lumapit 'yung cashier. Nanginginig 'yung kamay niya habang hinihiwalay 'yung carbon copy sa booklet.
"Sir... po. Kagabi po. 'Yung bill ng honeymooners po."
Kinuha ni Sir Roly. Binasa. Tumigil 'yung paypay.
Tapos—klak. Isinara niya 'yung abaniko.
Nakita ko 'yung cashier, napakagat-labi. Alam namin lahat kung ano'ng ibig sabihin ng tunog na 'yon.
"Sino'ng pumirma nito?" Mahina ang boses niya. Mabait pa rin, 'yun ang nakakatakot. "Isang pangalan lang, at tapos."
Inikot niya ang tingin. Isa-isa.
Hinanap ko si Santi sa linya. Wala siya.
Sabi ng clerk ko kanina, nakita raw siya sa taas ng burol, kaladkad 'yung luggage cart, hindi raw alam kung saang cottage. Naliligaw. Sa isang resort na may labindalawang cottage lang.
Sa isip ko: ito 'yon. Isang salita lang, matatanggal siya, at matatapos na ang gulo. Hindi ko naman siya kakilala. Dalawang araw pa lang siya rito.
Pero naalala ko 'yung Korean couple na tumatawa habang basang-basa siya sa tubig. 'Yung honeymooners na huminto sa pag-iyak. 'Yung kape na natapon sa manggas niya kasi mas mahalaga pa 'yung sa akin ang buo.
At naalala ko 'yung sabi ni Sir Roly kahapon—na bangkay na raw ang resort na 'to.
Hindi pa.
"Sino?" ulit ni Sir Roly. Ngumiti siya. "Miss Supervisor, ikaw ang hepe ng front desk. Sino?"
Naramdaman ko 'yung hairstick sa buhok ko. Itinuwid ko ang likod.
Tapos itinaas ko ang kamay ko.
"Ako po, Sir. Ako ang pumirma."