Skip to content

Naka-Live ang Kabit

Kabanata 3

Alas-sais ng umaga, nasa bigasan na ako. Hindi ako nagpaliban kahit nasa group chat na ng buong section ng anak ko ang mukha ng kotse namin.

Pagpasok ko sa pasilyo, sumalubong agad ang mga katabi ko.

"Uy, Tita Sampaguita!"

"Tita, laban!"

"Ninety-nine lang daw ang asawa, Rose!"

"Hoy!" Si Day, 'yung tindera ng isda, hawak ang kutsilyo, basa ang harapan ng apron. "Tumahimik kayo gyud diyan. Nagtitinda ang tao, hindi nagpapalabas ng teleserye."

Tumahimik sila. Natatawa pa rin, pero tumahimik.

Nagtimbang ako ng bigas. Isang salop, dalawang kilo, limang kilo. Mabuti ang palengke kapag ganito — may kamay kang ginagawa, kaya hindi mo masyadong naririnig ang sarili mong isip.

Alas-diyes, pumasok siya.

Ring light sa stick, phone naka-clip, cherry pa rin ang kuko. Pagharap niya sa camera, lumiwanag ang mukha niya na parang ibang tao.

"Hi, mamsh! Live tayo sa palengke! Hanapin natin si Tita Sampaguita!"

Naglakad siya sa pasilyo, paikot ang camera. Nahanap niya ang pwesto ko. Itinutok niya sa signage ko, tapos sa akin.

"Ay, Tita! Nandito pala kayo." Ngumiti siya. "Hindi ko kasalanan kung saan nagpa-park ang mga kotse, Tita."

May customer ako noon, isang lola, bumibili ng tatlong kilo. Binuhos ko ang bigas sa timbangan. Pinatag ko gamit ang palad ko. Tapos itinaas ko ang timbangan, pinatapat sa camera niya, para makita ng lahat ang karayom.

"Eksakto ang timbang dito," sabi ko. "Ikaw, Miss, ilang kilo ang dala mong kasinungalingan?"

Sumabog ang pasilyo. Tumawa ang mga tindera, tumawa ang mga namimili, tumawa pati 'yung bata sa kabilang stall na hindi naman alam ang pinagtatawanan.

Namula siya. Sa isang segundo, nawala ang boses-live niya.

"Idedemanda kita! Cyberbullying 'to!"

"Sige po." Ibinigay ko ang supot sa lola. "Tatlong kilo po, Lola. Salamat po."

Tapos biglang umalon ang tahimik mula sa dulo ng pasilyo.

Si Kap. Lingguhan niyang kinukuha ang bigas para sa feeding program. Naka-polo, nakatupi ang manggas, kasama ang isang tanod na may dalang sako.

Walang sumigaw. Nagpatuloy ang pamimili, pero bumaba lahat ng boses.

Tumayo siya sa gitna, tumingin kay Jhen, tapos sa akin, parang pareho lang kaming problema.

"Kung magdedemanda kayo," sabi niya, dahan-dahan, "sa barangay muna. Magkapitbahay kayo sa iisang lungsod. Doon ang usapan, hindi dito sa pwesto niya."

Wala siyang itinuro, pero alam ng lahat kung kaninong pwesto.

Bumalik 'yung ngiti ni Jhen, pero sa camera lang. "Opo, Kap."

Nakita ko ang screen niya bago siya tumalikod. "pogi ni Kap." "uy si Kap!"

Umalis siya, bitbit ang ring light, mabilis ang takong sa basang sahig.

Tumabi si Kap sa counter ko. Hindi siya nagsalita habang tinitimbang ko ang bigas para sa feeding. Inilagay niya ang bayad sa palad ko. Eksaktong barya, walang sukli.

Tapos mahina, para lang sa akin:

"Kung umabot sa akin 'yan, pantay ako, Rose."

"Opo, Kap."

Tiningnan niya ako ng isang segundo pa, tapos sinunggaban ng tanod ang sako at umalis sila.

Nanatili sa palad ko 'yung barya. Mainit pa.

Hapon na, mga alas-tres, nang may tumayo sa harap ng pwesto ko. Tanod, hawak ang papel, pawisan.

"Ale, Patawag po."

Kinuha ko. Binasa ko.

Reklamo ni Jhen. Harassment. Hearing, makalawa, alas-nuwebe ng umaga, sa barangay hall.

Sa linya ng testigo ng nagrereklamo, may nakasulat na pangalan.

Pangalan ng asawa ko.