Kabanata 4
Alas-otso ng gabi, bumalik ako sa 3001 para sa turndown, dala ang pangalan ko mula sa bibig ng isang estranghera.
Bukas ang pinto, nakaharang ang cart. Bed muna. Hinawi ko ang kumot, tinupi ang kanto, nilagay ang tsinelas sa sahig.
Sa desk, may nakatakip na plato.
Inangat ko ang takip. Empanada. Orange ang balat — 'yung kulay na hindi mo mahahanap sa kahit saang kusina maliban sa puwesto sa plaza ng Bannuar, kung saan ang mantika ay kasingtanda ng kawali.
Katabi, may maliit na card. Isang linya lang, sulat-kamay.
Para kenka.
Narinig ko ang pinto.
"Don't throw it away," sabi niya. Nakatayo siya sa threshold, sa likod ng cart ko. Natuto na siya. "I made it myself. Took me three tries."
"Sir, bawal po kaming tumanggap ng pagkain o regalo mula sa guest." Ibinalik ko ang takip. "'Yung tip envelope lang po sa desk. Wala nang iba."
"It's one empanada."
"Opo. At isang reklamo lang po, tapos na 'ko."
Kinuha ko ang ballpen sa bulsa ko. Sa likod ng card niya, sumulat ako: Bawal po. — Housekeeping. Ibinalik ko 'yon sa tabi ng plato, pantay, gaya ng pagkakalagay niya.
Hindi na siya umimik hanggang makalabas ako.
Alas-onse, nasa bus stop ako sa Kalakaua. Mainit pa rin ang gabi. Dumadaan ang mga kotse, may tumutugtog na ukulele sa kabilang kanto, may amoy ng dagat at ng naipong basura.
Naupo ako sa bench. Pagtingin ko sa kaliwa, may lalaking naka-hoodie sa kabilang dulo.
Siya.
"This isn't the hotel," sabi niya, nakatingin sa kalsada.
"Naka-check in ka pa rin."
Tumawa siya, konti lang, 'yung tawang mas parang hininga. Mahaba ang bench. Dalawa lang kami ro'n, at kaya pa ring magkasya ang isang buong pamilya sa pagitan namin.
"How's your dad?" tanong niya. "Still driving that jeep?"
Pinihit ko ang singsing sa hinlalaki ko.
"Trese taon na po siyang wala, sir. Puso. Nakaparada lang 'yung jeepney niya. Doon siya natagpuan, nakaupo sa manibela."
Hindi siya gumalaw. Kahit ang mga daliri niya sa tuhod, hindi gumalaw. May dumaang bus — hindi sa akin — at tumalbog ang ilaw sa mukha niya.
"Ay, apo," bulong niya, mali ang gamit, mali ang lahat. Tapos sa Ingles na lang. "I didn't know. Nobody told me."
"Wala naman pong nagtanong."
Ibinaba niya ang ulo.
"Lani. There's a reason I left the way I did." Dahan-dahan siyang magsalita, parang may inaakyat. "I couldn't tell anybody then. I still can't. Not by myself. I have to ask someone first, and I haven't been able to."
"Labinlimang taon pong mahaba para magtanong."
"I know."
Dumating ang bus ko. Sumirit ang preno, bumukas ang pinto, bumaba 'yung hagdan na may ingay na parang buntong-hininga. Tumayo ako, hinawakan ang strap ng bag ko.
Tumayo rin siya.
"Magandang gabi po, sir," sabi ko, at umakyat na sana ako.
"I went back to Bannuar, Lani. Three times. Your house was gone."