Skip to content

Nobya ng Engkanto

Kabanata 2

Kinaumagahan, nasa kalan si Lola, talikod sa nakasarang bintana.

Hindi siya lumingon sa'kin. Hinalo niya ang kape na parang may kinakausap sa loob ng tasa.

"Apo. Isa lang ang bilin ko."

"Po?"

"Kapag tinawag ka ng gubat sa pangalan mo, huwag kang sasagot. Kahit boses ko pa."

Tumigil ang kamay niya sa paghalo. Wala siyang idinagdag. Inilapag niya ang tasa sa harap ko at lumabas.

Tiningnan ko 'yung braso ko. Kalahating kupas na ang mga numero mula kahapon.

Sa habal-habal papuntang tulay, hindi na kailangang magtanong. Kusang nagsalita ang driver, sabay liko sa may simbahan.

"Ineng, ikaw baga 'yung apo ni Aling Esper?"

"Opo."

"Aba'y." Tumawa siya, pero 'yung tawa na hindi masaya. "Alam mo ba ang kuwento rito? Animnapung taon na ang nakakaraan, may ipinangako raw ang lola mo sa gubat. Ang panganay na apong babae. Sisingilin pagsapit ng animnapung taon."

Tumalbog ang motor sa bato.

"Kaya nga pinaalis nila ang nanay mo papuntang Maynila noong labindalawang taong gulang pa lang 'yon. Takot sila. Pero anak lang 'yon, hindi apo." Lumingon siya sa'kin, mabilis. "Ikaw 'yon, ineng. Isang buwan na lang, Undas na. Sakto animnapung taon."

Wala akong sinagot. Nakatingin lang ako sa likod ng helmet niya.

Sa bridgehead, kinawayan ako ng tanod. Tahimik na tao, maikli magsalita.

"Dumaan ka na, ineng. Bago lumubog ang araw, bumalik ka."

Lahat sila, ganyan kung magbilin.

Sa gubat, binuksan ko ang elevation map sa tablet. Lahat ng buhay na puno, berde sa layer ko. Pero sa gitna, sa paligid ng pinakamatangkad na puno, may singsing ng kulay abo. Patay na puno. Bilog, pantay, parang may gumuhit ng compass.

Walang sunog. Walang clearing. Walang dahilan.

"Ground truth muna," sabi ko sa sarili ko. Kahit engkanto pa 'yan, kailangan ko ng coordinates.

Umakyat ako.

Nandoon siya.

Nakatayo sa gitna ng mga patay na puno, puting camisa, walang sapin ang paa. Bata ang mukha — mas bata pa sa'kin, siguro. Pero may mali. Tinitigan ko nang matagal bago ko na-gets.

Walang uka sa pagitan ng ilong at ng itaas na labi niya. Patag. Parang hindi natapos ng gumawa.

"Binibini," sabi niya, "ginising ng ibon mo ang mga kuwago."

Napaatras ako ng kalahating hakbang. Pero lumabas ang sagot ko na parang bata, na parang tinuruan ako ni Lola kung paano magsalita sa gubat.

"Pasensya na po. Drone po 'yon."

Kumunot ang noo niya. Inulit niya ang salita, dahan-dahan, na parang sinusubukan kung kasya sa bibig niya.

"Drone." Umiling siya. "Hindi. Ang ibon mo."

"Po, hindi po 'yon totoong ibon—"

"Ikaw ay nagmamapa." Tumingin siya sa braso ko, sa mga numero. Hindi siya lumapit. "Umuwi ka bago lumubog ang araw, binibini. Dito, hindi tao ang naglalakad pagsapit ng dilim."

"E kayo po?"

Hindi siya sumagot. Wala na siya nang mag-angat ulit ako ng tingin.

Takipsilim nang makarating ako sa pampang. Dilaw ang tubig sa huling liwanag, tahimik, walang alon.

Tapos may tumawag mula sa ilog.

"Liza! Apo, halika rito!"

Boses ni Lola. Talagang boses ni Lola — pati 'yung pagod sa dulo, pati 'yung paraan niya ng pagbigkas ng pangalan ko. Napaharap ako. Lumapit ang paa ko sa tubig nang hindi ko inuutos.

Tapos may init sa tabi ko. Siya, sa balikat ko, na parang matagal nang nakatayo doon.

"Huwag kang lilingon. Wala sa ilog ang iyong lola."