Skip to content

Pasyente Ko ang Ex Ko

Kabanata 2

Tapos na ang shift ko nang alas-siyete, pero nanatili ako para sa handover.

Nakatayo kami sa paligid ng counter, mga night staff at mga papasok pa lang. Hawak ni Sister 'yung clipboard. Ward manager namin siya. Sister ang tawag ng lahat sa kanya dito, hindi dahil madre siya, kundi trabaho 'yon, titulo. Natanong ko rin 'yan noong first week ko, at hanggang ngayon natatawa pa rin ako sa sarili ko.

"Bed 12. Panganiban, Jericho, thirty-one. Right ankle, post-op, six weeks rehab," basa ni Sister. "Emergency contact cannot be reached. Old Philippine number, dead already."

Tumigil siya. Tiningnan 'yung papel.

"Fiancée, Grace Mendiola. Eh, Grace, same name as you!"

Tumawa 'yung buong counter. Tumawa rin ako. Tinakpan ko 'yung ngipin ko.

"Common name po, Sister," sabi ko. Malinaw. Kalmado.

Katabi ko si Divina, kapapasok lang, amoy baby cologne gaya ng lagi. Tumingin siya sa akin. Tapos tumingin ulit.

Sa rounds, tumayo si Sister sa paanan ng Bed 12.

"Mr. Panganiban. Your emergency contact. You know our Grace?"

Nakaupo si Jericho, nakaharap sa bintana. Isang segundo lang bago siya sumagot.

"No. Different Grace."

Wala akong sinabi. Inayos ko 'yung tubig sa bedside niya na ayos na naman.

Paglabas, huminto si Sister sa gitna ng corridor at tumingin sa aming lahat.

"In my ward, a resident is a resident. You know him from outside, you declare. You get close to him inside, you go home. Clear?"

"Yes, Sister," sabay-sabay kami.

Sa pinto, hinila ako ng roommate ko papuntang locker. Taga-Cebu siya, night shift din, mas matanda sa akin ng ilang taon.

"Day, naintindihan mo ba talaga? Kilala mo, sabihin mo. Napalapit ka, uwi ka, Day." Hinawakan niya 'yung braso ko. "Pag natanggal ka, kanselado ang permit. Eroplano agad. Walang paalam."

"Opo, Ate."

Kinaumagahan ding 'yon, pinatawag ni Jericho 'yung clerk. Pinapalitan niya 'yung emergency contact. Nanay niya na, 'yung number ng kapehan sa Lipa.

Na-late si Divina sa Bed 12 kasi may inasikaso raw sa Bed 9, kaya ako na ang nag-morning wash.

Dinala ko 'yung basin, 'yung tuwalya, 'yung sabon. Hinila ko 'yung kurtina. Nilubog ko 'yung bimpo sa mainit na tubig.

Kinuha niya 'yung basin sa kamay ko. Nagsalubong 'yung mga daliri namin sa gilid ng plastik, saglit lang, at inalis niya agad.

"Kaya ko."

"Trabaho lang 'to, Mr. Panganiban."

"Ako na, Nurse."

Tumigil ako. Tiningnan ko 'yung kumot, hindi siya.

"Hindi po ako nurse. Caregiver po."

Hindi siya gumalaw. Nakahawak pa rin siya sa basin, pero hindi na niya ginagalaw 'yung tubig. Parang may narinig siyang hindi niya inaasahan.

Dahil alam niya 'yon dati. Alam niyang nursing ang kinuha ko. Alam niyang may pinning ako, may puting uniform, may kandila.

Ito 'yung hindi niya alam.

Forty thousand ang tuition ni Bunso kada semester. Pitumpu't walong taong gulang si Lola. Walang ibang kikita.

At tatlong buwan matapos akong umalis ng Lipa, nag-text ako kay Jericho: "May iba na ako. Huwag mo na akong hintayin."

Wala. Wala talagang iba. Isang linya lang 'yon na ginawa ko para hindi na niya ako hintayin, kasi kung hinintay niya ako, babalik ako, at kung babalik ako, mawawala ang lahat.

Pinunasan ko ang kamay ko sa apron. Hinawakan ko 'yung kurtina para isara.

"Kumusta na pala 'yung iba mo?"