Kabanata 5
Sampung araw ng maiikling text. "Kumain ka na?" "May delivery kami sa Malabon bukas, padaan ako." Hindi ako palaging sumasagot. Pero binabasa ko lahat.
Pumayag ako sa Ting Hun kasi kailangan ko ng oras. 'Yon lang. Oras.
Alas-diyes ng umaga, narinig namin ang mga yabag sa hagdan. Umakyat ang pamilyang Uy sa third floor, bitbit ang mga regalo—pula ang balot, nakasalansan sa mga bandehado, may tsaa, may prutas, may tsokolate na hindi ko mabilang.
Si Jansen ang nauna, naka-barong, nakatikom ang bibig na parang pinipigilan ang sarili na ngumiti. Kasunod ang Ima niya, maliit, mainit ang mata. Tapos ang tatay niya.
Isang salita lang ang sinabi ng tatay ni Jansen kay Daddy, Hokkien, mabilis. Tumango si Daddy. Wala nang iba.
Lumapit si Jansen kay Ama at yumuko. "Lola po—"
Inabot ni Ama ang palad niya at pinatag ang cowlick sa likod ng ulo nito. Isang hagod. Bumalik agad ang buhok.
"Ama na," sabi ni Ama. "Huwag mo akong tawaging Lola. Ama."
"Opo. Ama."
"Hó." Umupo si Ama. "Ah-Sen."
Natawa ang mga relatives sa likod. Ganoon lang kabilis, may bagong pangalan na siya sa bahay namin.
Sinabi ni Ama ang patakaran nang malakas, para marinig ng lahat. "Ang lalaki ang magdadala ng regalo. Ang pamilya ng babae, may ibabalik. Ang matitira sa dalaga—'yon ang tinanggap niya. Kapag natuloy, wala nang usapan. Kapag hindi, ibabalik lahat. Lahat."
Pula ang damit ko. Sa ilalim, steel-toe boots ko pa rin, 'yung gasgas ang kaliwang dulo. Walang nagsabi sa akin na magpalit at hindi rin ako nagtanong.
Nagsalin ako ng matamis na tsaa para sa mga magulang ni Jansen. "Tita. Tito po."
Habang naglalakad ako pabalik, nahuli ko siyang nakatingin—hindi sa mukha ko. Sa sapatos ko. Tapos sa mukha ko. Tapos sa sapatos ulit, parang nahuhuli ang sarili at hindi makapigil.
Bago ang singsing, tumayo ang tatay niya. "Francis, can we?"
Bumaba silang dalawa ni Daddy sa office. Sa hagdan, lumingon ang tatay ni Jansen sa akin.
"Excuse us, Miss Ong."
Sampung minuto. Pinababa ako ni Ama para tawagin sila.
Nakaawang ang pinto ng office. Tumigil ako sa labas, kamay ko nasa hamba.
"After the ring, we sign." Kalmado, parang nagdidikta. "One peso for Tibay. We take the debts. And the wedding on the date. That was the deal."
Hindi ako gumalaw.
Umakyat si Daddy pagkalabas, hindi ako nakita sa dilim ng pasilyo. Pumasok ako.
Nasa desk ang papel. Binasa ko nang nakatayo.
Ang buong Tibay sa Haligi. One peso, plus ang lahat ng utang. Isang kondisyon lang: ikakasal si Charlene Ong kay Jansen Uy sa o bago ang petsa ng bangko.
Sa ibaba, pirma niya. At ang petsa.
Limang buwan na ang nakalipas.
Isang buwan bago ang unang lunch ni Ama.
Pinunit ko ang signature page sa clip at dala-dala ko 'yon pataas, nakakuyom sa kamao ko. Nasa gitna ng hagdan si Jansen, bumababa, naghahanap siguro sa akin. Nakita niya ang papel at huminto siya.
"Kailan mo pa alam?"
Hindi siya umiwas ng tingin. Hindi rin siya nagmadali.
"Bago pa ang unang lunch ni Ama. Ako ang naglagay ng pangalan mo diyan."
