Skip to content

President ng 31 Pasaway

Kabanata 4

Alas-singko ng hapon, Room 309. Nasa blue plastic folder ko na 'yung scratch paper na may "Huwag, Pres." Hindi ko pa siya natatanong tungkol doon.

Kasi may deadline ako.

Hanggang hatinggabi lang ang weekly report. Ihuhulog sa drop box sa labas ng Office of the President, fifth floor ng Main Building. Nakalatag sa harap ko 'yung form. Nakalimbag sa itaas, malinaw: "Office of the President: Block 3-Z Monitoring."

Tumunog 'yung phone ko. Nanay.

"Kumain ka na ba, anakko?"

"Opo, Nay." Hindi. Pero opo.

"Natanggap mo na ba 'yung five thousand?"

"Sa susunod na linggo po."

Tahimik siya saglit. Tapos 'yung linyang alam ko nang paparating. "Isang bagsak lang, anakko, uuwi ka na. Huwag nang maulit, ha?"

"Opo, Nay."

Pinatay ko 'yung tawag bago pa gumalaw 'yung boses ko.

Sinulat ko 'yung report. Attendance for the week. Enrollment status. Class concerns. Gumagawa ako ng listahan nang may pumasok.

Umupo si Carlo sa desk sa harap ko. Hindi sa upuan. Sa desk ulit. Basa ang balikat ng jacket niya—umuulan na pala sa labas.

"Ilalagay mo 'yung sheets?"

"Photocopies. Attachment."

"Wag." Mababa 'yung boses niya, plain Tagalog, walang halong kahit ano. "Ako na lang ang isulat mo. Ako ang pumirma."

Inilapag ko 'yung ballpen.

"Bautista, alam mo ba kung ano'ng mangyayari kapag nag-false report ako? Hindi binabawasan ang scholarship ko. Tinatapos. Tapos uuwi ako sa Nueva Ecija at hanggang doon na 'yun."

"Hindi mo alam kung saan napupunta 'yan."

Tinapik ko 'yung header ng papel, dalawang beses, sa harap ng mukha niya.

"Sa Office of the President. Nakasulat, o. Basahin mo."

Tiningnan niya 'yung linya. Matagal. Mas matagal kaysa sa kailangan para basahin ang anim na salita. May kung anong dumaan sa mukha niya na hindi ko mabasa, tapos nawala rin.

"Sige," sabi niya. "Pero sabay tayo."

Buhos ang ulan sa España pagbaba namin. Baha na 'yung kanto, hanggang bukung-bukong, at 'yung mga jeep dumadaan nang parang nagbubuhos ng balde sa sidewalk. Hawak ko 'yung folder ko sa dibdib, nakayakap, para hindi mabasa.

May isang payong siya. Maliit. Kulay itim, may sirang tadyang sa gilid.

Ibinukas niya, tapos itinaas sa gitna naming dalawa. Para kasya kami pareho, kailangang magdikit ang balikat namin.

At ganoon kami naglakad. Buong kampus. Mula sa Engineering Building, dumaan sa quadrangle na lawa na, hanggang sa Main Building. Dikit ang balikat namin sa buong daan. Naririnig ko 'yung ulan sa payong, 'yung tubig na tumatalsik sa sapatos ko—'yung tinahi ko—at 'yung hininga niya sa tabi ko.

Mas nakakiling 'yung payong sa akin. Basang-basa 'yung kaliwang balikat niya. Hindi ko siya tinanong tungkol doon.

Fifth floor. Tahimik na ang buong palapag. Nakakandado na 'yung opisina, at 'yung drop box, metal, nakakabit sa dingding sa tabi ng pinto. May slot sa itaas, parang bibig.

Ibinaba ko 'yung payong. Binuksan ko 'yung folder.

Nandoon 'yung report, nakaklip ang photocopies ng Day 1 attendance sheet—tatlumpu't isang pangalan, iisang sulat, 'yung C na may kawit, kita na kita.

Sa margin, sa ibaba, isinulat ko:

"Recommendation: tutoring and schedule support for working students."

Tumingin ako sa kanya. Nakatayo siya sa likod ko, hawak 'yung basang payong, hindi gumagalaw, hindi humahawak sa braso ko para pigilan.

"Pres," sabi niya.

Isinuksok ko 'yung report sa slot habang nakatingin siya.