Kabanata 2
Tumayo ang officer. Ako, hindi.
Naupo si Sebastian sa upuang nakaharap sa mesa—'yung upuan na sinabi ng officer na para sa donor. Inilagay niya ang isang braso sa likod ng sandalan. Tinanggal niya ang earbud at iniikot sa daliri.
"Relax, Scholar. Errand boy lang ako."
"Sabi po nila, donor ang darating."
"Foundation," sabi niya, parang binabasa ang menu. "A foundation my family knows. Gusto lang nilang makita ang mukha mo. Face to face. Pinadala nila ako kasi nandoon ako kaninang umaga."
Tiningnan ko siya. Walang kurap. Walang kahit anong lumabas sa mukha niya.
"Nandoon po kayo sa Glass Room," sabi ko. "At hindi kayo nagsalita habang kinukunan ako ng kaibigan ninyo."
"Umalis kami, 'di ba?"
"Umalis kayo. Nasa internet pa rin ako."
Dumukot siya sa bag niya at inabot sa officer ang isang sobre. Hiraya paper—kilala ko ang letterhead, nasa tuition papers ko 'yan. Binasa ng officer, tapos biglang tumuwid ang upo.
"Signed po ito ng director," bulong ng officer. "Walang aaksyunan hangga't walang hearing."
"Hearing muna," sabi ni Sebastian. "That's all."
Tapos may inilapag siya sa harapan ko. Maliit na sealed card. Pinagmasdan ko muna bago binuksan. Sulat-kamay, tinta, bilog ang mga letra ng isang taong sanay magsulat sa pisara.
"Huwag kang aatras. — H."
Nanlamig ang mga daliri ko.
"Paano nalaman ng donor ang sinabi ko kaninang umaga?"
Sandaling katahimikan. Tapos ibinulsa niya ang earbud.
"Sinabi ko. Nandoon ako, 'di ba?"
Lumabas kami. Sa hagdan ng Arguelles Hall, sa ilalim ng pangalan ng lolo niya na nakaukit sa bato, doon siya huminto at sumandal sa barandilya na parang wala siyang pupuntahan habambuhay.
"Dalawang araw ang hearing," sabi niya. "And Cass won't withdraw. Hindi niya 'yan gagawin. Hindi dahil galit siya sa 'yo. Dahil nanood ang buong campus."
"Sasagot po ako nang maayos."
"Sure. Pero may mas madaling paraan." Tumingin siya sa akin. "Be my girlfriend. Fake. Hanggang renewal mo sa dulo ng sem. Walang gagalaw sa 'yo—hindi si Cass, hindi 'yung page, wala."
Hindi ako agad nakasagot. Hinawakan ko ang tikog bag ko nang mahigpit.
"Bakit po?"
"Kasi pagod na ako." Nagkibit-balikat siya. "Si Cass, si Dad—palagi nilang sinasabi na kami daw ang endgame. Parang schedule na lang na ipinapasa. Kung may girlfriend ako, tahimik sila."
Nakatingin ako sa pangalan sa pader. Arguelles. Tapos sa kanya.
"Diri."
Hindi siya kumurap. Hindi rin siya nagtanong kung ano'ng ibig sabihin.
"Interesting."
Sinuot niyang muli ang earbud sa kaliwang tainga, tapos tinanggal ulit, na parang nagbago ang isip.
"Ang aga mo kanina," sabi niya. "Pitong a.m. sa library. Sino'ng ganyan?"
"Mas maaga pa po ako gumigising. Four ang alarm ko."
"Bakit four?"
"May gagawin po ako." Hindi ko na dinugtungan. Inayos ko lang ang strap ng bag sa balikat ko.
Tumango siya nang isang beses. Hindi na siya nagtanong, at kakaiba 'yon—kasi ang lahat ng tao sa Halcyon, nagtatanong, para lang may maikwento.
Bumaba ako ng isang baitang. Sa likod ko, nagsalita siya, mahina, hindi na bored.
"Kahit ano'ng sagot mo, sasabihin ko sa hearing ang totoo. Pero bukas pa rin ang offer, Scholar."