Kabanata 5
Maiksi na 'yung buhok ko. Hindi ko tinapos 'yung gupit sa salon—tumayo ako, nagbayad, at umalis. 'Yung roommate ko ang nagtapos, sa CR ng housing, gamit ang gunting ng kusina.
"Ate Chelle, hindi ako hairdresser," sabi niya. "Pero mas pantay 'to kaysa sa buhay mo ngayon. Charot."
Kinagabihan, nasa duty roster ako: float sa ER, gabi hanggang umaga.
Pagpasok ko, nandoon si Gerry sa tabi ng bay three, nakabukas 'yung likod ng ventilator, naglalatag ng maliliit na tornilyo sa isang tray na parang mahalagang alahas.
"Float ka?" tanong niya, hindi tumitingala.
"Opo. I mean, oo."
Isinara niya 'yung panel, sinubukan 'yung alarm, tumango sa sarili niya.
"Kung may kailangan ka, tawagin mo ako. Gising ako hanggang umaga."
Tumango ako. May kung anong uminit sa dibdib ko na hindi 'yung singsing.
Lampas alas-onse, bumukas 'yung pinto ng ER na parang may humampas.
Isang babae, karga ang isang bata. Lampas-lampas 'yung mga braso ng bata, nakataas 'yung ulo pabaliktad. Asul 'yung labi.
"Tulungan niyo po! Nagkombulsyon! Mainit po kanina—"
Hindi ko siya tiningnan nang maayos. Wala akong oras.
"Resus bay, now," sabi ng ER doctor. "Oxygen. Bag and mask. Suction ready."
Binuhat namin 'yung bata sa trolley. Maliit lang siya, mas magaan pa sa iniisip ko. Hinawakan ko 'yung mask, iprinisin sa mukha niya, tinaas ang baba.
"Squeeze," sabi ng doktor. "Every three seconds, Sister."
Pinisil ko. Isa. Dalawa. Tatlo. Pinisil ko ulit.
'Yung dibdib niya, tumaas. Bumaba.
"Again."
Pinisil ko. Tumingin ako sa monitor. Umaakyat 'yung numero. Dahan-dahan, pero umaakyat.
Isa. Dalawa. Tatlo.
Tapos umubo 'yung bata. Isang ubo, tapos isa pa, tapos umiyak—malakas, galit, buhay.
"Good," sabi ng doktor. "Keep the mask near."
Nanginginig 'yung kamay ko nang bumitaw ako sa bag. Sa likod ng kurtina, umiiyak na rin 'yung babae, nakatakip 'yung kamay sa bibig. Nandoon 'yung mga kuko. Puti, mahaba, may maliliit na bato.
Doon ko lang siya tiningnan nang maayos.
Bumukas ulit 'yung pinto ng ER.
Tumakbo si Marlon papasok. Naka-tsinelas pa siyang pambahay, naka-pambahay na shorts, basa 'yung buhok sa pawis.
Tumigil siya sa gilid ng kurtina.
"Hon...?"
Hindi ko alam kung kanino 'yun. Siguro hindi rin niya alam.
"Daddy," sabi ng babae, pahid ang pisngi. "Sino 'yan?"
Tumingin si Marlon sa dibdib ko. Doon sa badge. Sa itim na letra: R. OCAMPO, RN. Mrs. Ocampo.
Isang segundo. Tapos iniwas niya 'yung tingin.
"Hindi ko kilala 'yan, Mommy."
May nag-charting sa likod ko. May tumunog na monitor sa bay two. Normal lang 'yung mundo, tuloy-tuloy.
"Observation room," sabi ng doktor. "Two hours."
Inakbayan ni Marlon 'yung babae. Binuhat niya 'yung bata, nakasandal 'yung ulo nito sa leeg niya. Naglakad sila palabas ng resus bay, magkasunod, siya sa unahan.
Hinila ko 'yung phone ko sa bulsa ng scrubs.
Hinananap ko 'yung pangalan. Pinindot ko 'yung call.
Sa back pocket ng shorts niya, umilaw 'yung phone. Malinaw 'yung screen mula sa kinatatayuan ko.
HON, at isang pulang puso.
Isang hakbang sa likod niya 'yung babae. Nakita niya. Tumigil siya sa paglakad.
