Skip to content

Sir, Fired Na Ba Ako?

Kabanata 4

Dalawang gabi ang lumipas, at alas-kwatro y medya na ulit ng umaga nang matapos ang batch.

Hindi pa man nakakalabas ang mga truck, nakasunod na si Sir Franco sa akin sa likod na pinto. Naka-jacket siya, walang driver, walang kahit ano.

"I'll walk you," sabi niya. "Jeep stop."

"Sir, 'di na po—"

"It's on my way."

Hindi 'yon totoo. Pero tumahimik ako.

Tabi ng ilog ang daan. Kulay abo pa ang langit, may amoy tubig at basang semento. May isang manong na nagwawalis sa kanto. Ang bagal ng lakad namin, parang pareho kaming ayaw matapos ang daan.

"Sir," sabi ko. "Pwede po akong magtanong?"

"Go."

"Bakit niyo po talaga ako fine-fire? Hindi po 'yung tinapay. May iba pa po, 'di ba?"

Matagal bago siya sumagot. Nakatingin siya sa ilog.

"There's a rule in my office," sabi niya. "Every hire goes through my signature. Lahat. Even the interns."

"Opo?"

"Your papers didn't have mine. They had Iñigo's."

Napatigil ako sa paglakad. Natigil din siya.

"In two years, my cousin has placed three assistants in my office," sabi niya. Mabagal siya magsalita, parang bawat salita binabayaran niya. "All three reported back to him. My schedule. My meetings. Kung sino ang pumapasok. Nalaman ko lang sa pangatlo."

Nakatingin siya sa tubig, hindi sa akin.

"Then you walked in. Day one. Hired by him." Isang hakbang pa siya. "I thought you were number four."

"Sir!" Masyadong malakas, kaya binaba ko ang boses ko. "Hindi po ako espiya. Hindi ko nga po alam kung sino siya noong una, nakilala ko lang po siya kinabukasan. At 'di ko po kayang mag-espiya, Sir, nakakalimutan ko nga po ang password ko—"

"I know."

"...Po?"

Tumingin siya sa akin. Sa unang pagkakataon, may kurba ang isang gilid ng bibig niya. Maliit. Parang nakalimutan niyang itago.

"Spies don't insult the product on day one."

Hindi ko alam kung bakit ang init ng mukha ko sa daan na ang lamig ng hangin.

"Sorry po pala doon."

"Don't be."

Saka nag-vibrate ang phone ko. Umilaw sa dilim, kitang-kita.

Iñigo Arceo: Coffee soon, Hazel?

Nakita niya. Alam kong nakita niya, kasi dumaan ang mata niya sa screen bago siya tumingin ulit sa harap.

Hinintay ko ang kahit ano. Isang tanong. Isang babala. Isang "don't".

"Up to you," sabi lang niya. At naglakad ulit, katabi ko pa rin, hindi mas malayo, hindi mas malapit.

Inilagay ko ang phone sa bulsa ko nang hindi nagre-reply.

Pagdating namin sa jeep stop, may dalawang jeep na nakapila, may isang drayber na kumakain ng tinapay sa manibela. Umaga na. Nagsisimula nang gumalaw ang kalsada.

"Sir, salamat po sa paghatid."

Tumango siya. Tapos hindi siya umalis.

Naka-apat na hakbang na ako papunta sa jeep nang magsalita siya ulit.

"Hazel."

Lumingon ako.

Naka-bulsa ang dalawang kamay niya. Hindi siya nahihiya, pero iba ang tayo niya, parang may binubuhat.

"Tomorrow," sabi niya. "One tray."

"Opo, Sir. Ilang piraso po?"

Tumingin siya sa akin nang diretso.

"For my Lolo."