Kabanata 4
Alas-siyete ng umaga, nakasakay kami sa bus papuntang Bangui. Hindi ko sinagot 'yung tanong ng transferee noong gabing 'yon. Umakyat lang ako sa jeep, basa pa rin, at ni hindi ko tiningnan ang kotse niya.
Site measurement ngayon. Kailangan ng dalawang pirma — pareho kaming proponent, kaya pareho kaming kailangang pumunta.
Pagbaba namin sa Ballaigi, akala ko ituturo ko pa sa kanya ang daan. Pero dumiretso siya sa dike, 'yung shortcut sa likod ng mga bahay, 'yung alam lang ng mga taga-roon. Hindi siya nagtanong. Sinundan ko na lang siya, at may tumusok sa dibdib ko na tanong na hindi ko pa pwedeng itanong.
Sa health station, naabutan namin si Apong Baket. Si Apong Baket, nanay ng tatay ko. Maliit, mabilis maglakad, may bagong punas na sahig kahit alas-otso pa lang.
Nasa pinto 'yung asul na icebox niya. Styrofoam sa loob, plastik sa labas, kupas na ang kulay mula sa araw, may masking tape sa isang gilid na may nakasulat na pangalan niya at nakalagay ang petsa. Kada hapon na may brownout, binubuhat niya 'yon papunta sa clinic sa bayan, lakad, para hindi mainitan ang mga bakuna.
Tumigil siya pagkakita kay Rommel. Tinitigan niya ito nang matagal, mula paa hanggang mukha.
"Nakitakon daytoy nga ubing."
Nakita ko na ang batang 'to dati.
Lumingon ako kay Rommel. Umiwas siya ng tingin. Hinugot ang notebook, nagbasa ng wala.
Tanghali, nasa baybayin kami, sa ilalim ng mga windmill. Ang lakas ng hangin, kailangan kong sumigaw.
"Si Angin," sabi ko, turo sa drawings ko. "'Yan ang tawag ko sa kanya. Second year pa."
Tumingin siya sa papel, hindi sa akin.
"Angin. Hangin sa Ilocano. Kasi wala namang kulang dito sa amin kundi hangin, 'di ba? Pero kada hapon, patay ang kuryente, at naglalakad si Apong ng kung ilang kilometro dala-dala 'yung icebox na 'yon. Kaya kung kaya ng hangin na magpaikot ng malalaking 'yan," turo ko sa windmill, "kaya rin niyang magpalamig ng isang maliit na ref."
Hindi siya umangat ng tingin. Nagsusulat lang siya ng numero — anemometer reading, oras, direksyon — isa-isa, maayos. Pero hindi rin siya umimik hanggang matapos ako, kahit isang salita, kahit isang tango na parang nagmamadali. Pinatapos niya ako.
Tapos tinupi niya ang notebook.
"Ala, intayon."
Tara, alis na tayo.
Alas-tres, bumalik kami sa health station. Patay na ang kuryente. Tumagal. Hindi 'yung normal na dalawang oras — umabot ng apat.
Upo ang mga nanay sa bench, may bitbit na sanggol, pinapaypayan ng tsinelas. Binuksan ni Apong ang icebox. Hinawakan niya ang isang vial, tapos pinatong sa pisngi niya.
Umiling siya.
"Nabara." Mainit na.
Tumayo 'yung pinakabatang nanay. Siguro kasing-edad ko lang. Binalot niya ang anak niya sa lampin.
"Sa isang linggo na lang po kami babalik, Apong."
Pinanood kong lumabas sila. Ang tahimik ng sanggol. 'Yun ang pinakamasakit — hindi man lang siya umiyak.
Naupo ako sa bench. Nandoon si Rommel, nakatayo sa pinto, nakayuko ang ulo.
Tumayo ako at hinarap siya.
"Bukas, alas-sais, sa lab. Araw-araw. Walang absent."
Tumango siya.