Kabanata 4
Kinabukasan, alas-dos ng hapon, pinatawag ako ni Madam sa Blessing Room.
May hawak siyang schedule. Ngumiti siya bago pa niya sinabi.
"Your first roadshow, anak. Magalang. I think you'll feel at home."
Hindi ako makahinga nang maayos sa loob ng ilang segundo. Covered court sa Magalang. Sampung minuto mula sa bahay namin.
Wala akong maisagot na hindi ako ipapahamak. Kaya tumango ako. "Opo, Madam."
"Si Simon ang maghahatid sa'yo."
Puting pickup. Luma. 'Yung mismong pickup.
Hindi ako nagsalita nang umupo ako sa passenger seat. Nakalilis ang manggas niya, isang kamay lang sa manibela, nakatingin sa kalsada.
Sa isang lubak papasok ng barangay road, may gumulong mula sa ilalim ng upuan ko.
Lata. Pulang takip.
Tumama sa sapatos ko. Tiningnan ko. Tapos tiningnan ko siya.
Abot ng kamay niya 'yung radyo. Nilakasan niya. May kumakanta ng lumang love song na hindi bagay sa kahit ano.
Dalawampung minuto. Walang nagsalita. Narinig ko lahat — 'yung jeep sa tabi, 'yung manok sa likod ng isang bahay, 'yung aircon na hindi lumalamig.
Sa stoplight, kumuha siya ng bote ng tubig sa gilid ng pinto at inabot sa akin. Hindi man lang siya lumingon. Nasa kalsada pa rin ang tingin niya.
Kinuha ko. "Salamat."
Tumango siya.
Mabigat 'yung lata sa paa ko hanggang makarating kami.
Puno ang covered court. Bandera ng Sagana sa dalawang poste, tarpaulin na may countdown, mga nanay na may payong kahit nasa loob. Naglagay sila ng projector sa harap at hindi mabasa sa sobrang liwanag.
Itinaas ko ang buhok ko. Nilipat ko ang name tag sa mas mababang parte ng blazer. Nakatalikod ako sa crowd, nakaharap sa screen, halos buong seminar.
Pero narinig ko ang mga boses. May nagtatawanan sa likod — mga boses na alam ko, mga boses na narinig ko na sa kalsada namin tuwing umaga.
Sinabi ng emcee 'yung maliit na patakaran, 'yung tipong parang biro lang.
"At tandaan po, every member's card has the recruiter's name printed on it — para alam n'yo kung kanino kayo magpapasalamat!"
Pumalakpak ang buong court.
Pagkatapos, sa likod ng stage, habang tinutupi ko ang mga papel, may humawak sa braso ko.
"Nessa."
Tumigil ang lahat sa dibdib ko.
'Yung tindera ng sari-sari store, tatlong bahay mula sa amin. Naka-duster, may pamaypay, 'yung mukha niyang kabisado ko mula pagkabata.
"Alam kong ikaw 'yan," sabi niya. "Kahit anong gawin mo sa buhok mo."
Tumingin ako sa gilid. Nandoon pa ang emcee, kausap ang isang Diamond. Tiningnan ko siya at umiling ako nang kaunti. Pakiusap. Parang bata akong nakikiusap sa mata lang.
Tumingin siya sa akin nang matagal. Tapos bumuntong-hininga siya at kinalkal ang bag niya.
May nilabas siyang card. Sagana. Luma na ang gilid, may tupi.
"Dalawang buwan na ako diyan," sabi niya. "Ibinenta ko 'yung ref sa likod ng tindahan ko."
Hindi ko mahawakan nang maayos ang papel sa kamay ko.
"Dalawang buwan," ulit ko. "Po... noong panahong 'yon, sampung buwan nang hindi lumalabas ng gate si Tatang."
"Wa," sabi niya. "Alam ko. Kaya nga nagtataka ako."
Ibinaligtad niya ang card at itinutok sa ilaw ng bombilya para mabasa ko ang maliit na print sa ibaba.
"Rogelio Dizon ang nakalagay na recruiter ko, Nessa. Ang Tatang mo. Sabi ng Tito Lando mo, sa Tatang mo raw ang slot."