Skip to content

Topnotcher na Pinagbintangan

Kabanata 4

Kinabukasan, nasa bahay ako sa Malabon, at tinatanggal na nila 'yung tarpaulin.

Nakasampa 'yung kagawad sa monoblock, may dalang kutsilyo, pinuputol 'yung nylon sa dulo. CONGRATS, BERNADETTE! Dalawang linggo pa lang 'yon nakasabit sa harap ng barangay hall.

"Wala akong magagawa, Aling Fe," sabi niya kay Nanay. "Utos sa taas. Hangga't may kaso."

Nakatayo 'yung mga kapitbahay, nakahalukipkip, nagbubulungan. May isang nagsabi ng "sayang naman, ang bait-bait pa naman," sa boses na mas malakas kaysa sa kailangan.

"Anong sayang?" sabi ni Nanay. "Buhay pa ang anak ko, ha. 'Wag n'yong ilibing."

Hinila ko siya papasok.

Alas-onse, dumating si Hans. Naka-barong pa rin, parang hindi marunong magsuot ng t-shirt. Nasa kamay 'yung accordion folder. Napadaan 'yung tingin niya sa dingding ng sala—doon sa linya ng baha na kasintaas ng tuhod, 'yung bakas na hindi na natanggal kahit anong pintura.

"Ma'am, Sir," sabi niya sa mga magulang ko. "Routine verification lang po."

Umupo kami. Tinanong niya kung saan ako noong gabi bago ang exam.

"Ay, nakauwi 'yan," sabi ni Nanay agad, proud na proud, "pero lagpas hatinggabi na, Attorney. Kay nag-aaral gid siya. Bukas pa ang ilaw sa kuwarto niya nang mahiga ako."

Nanigas ako.

Mabagal na umangat 'yung bolpen ni Hans.

"Nasa center po ako," sabi ko. Mabilis. Masyadong mabilis. "Sa library po. Tapos umuwi."

"Noted."

Dalawang salita lang. Pero parang isinara ang pinto.

Tapos lumabas si Nanay na may dalang bandehado.

"Kumain ka muna, Attorney."

"Ma'am, I really—"

"Pancit. Luto ko."

Dalawang plato ang naubos niya. Dalawa. Tapos binigyan pa siya ni Nanay ng palitaw na may niyog, at tinanong kung ilang taon na siya, kung taga-saan, kung may asawa na. "Ambot, ang bata-bata mo gid para sa trabahong 'yan."

Si Tatay, tahimik lang, hanggang sa biglang nagsalita habang nagsasandok.

"Attorney, alam mo bang mas mahirap maging driver kaysa abogado? Kami, kailangang sumakay lahat ng pasahero namin, pati 'yung tama ang sukli."

Tumawa si Hans. Totoong tawa. Hindi 'yung pang-office.

At doon ko nakita—may pingas 'yung isang ngipin niya sa harap, maliit, pahilis, parang nabangga noong bata pa siya. Isang segundo lang. Tapos isinara niya ulit 'yung bibig niya at bumalik 'yung barong.

Pero nakita ko.

Paalis na siya nang samahan ko siya sa gate. Alas-dos ng hapon. Amoy ulan.

Hinawakan niya 'yung rehas, tapos tumingin sa akin.

"The center's library closes at nine, Ms. Villaflor. I checked before I came."

Bumukas 'yung bibig ko. Walang lumabas.

Tapos may kalabog.

Mula sa loob ng bahay—'yung tunog ng salamin na nabasag, matalim, sabay sigaw ni Nanay. Tumakbo ako pabalik. Butas 'yung jalousie window. Nasa sahig 'yung bato, nakabalot ng papel, nakatali ng goma.

Photocopy 'yung papel. 'Yung answer key. 'Yung sulat ni Kaye.

At sa ibabaw, nakasulat sa pulang marker, malaki, halos pumunit ng papel:

MANDARAYA

"'Day!" sigaw ni Nanay. "Wala ka bang tama?"

Pero hindi na ako ang unang gumalaw. Dinampot na ni Hans 'yung bato, nahulog 'yung folder niya sa sahig, at nang lumingon ako sa kalsada, tumatakbo na siya—hinahabol 'yung motorsiklo na umaarangkada paalis sa kanto.