Kabanata 2
Buong araw kong dala 'yung linya niya. Hindi ito ang kailangan ko sa 'yo. Ano ba 'yon?
Alas-siyete ng gabi nang malaman ko.
Mainit pa rin sa loob ng Kidlat, dalawang electric fan na parehong umiikot nang pilit. Nagko-combination 'yung mga bata sa mitts nang biglang tumahimik ang lahat. Parang pinatay 'yung radyo.
Pumasok si Bayani. Kasunod 'yung bantay niya, matandang lalaki na may kagat na mani sa bibig.
Hindi pa sila nakakapagsalita, umangat na ang ulo ni Papa. Sa yabag pa lang.
"Ikaw 'yan."
"Coach," sagot ni Bayani. "Maayong gabii po."
Narinig ko 'yung po. Siya, ang lalaking ipinapatahimik ang buong pantalan, nag-po sa tatay ko. Hindi ko alam kung bakit parang may kumalabit sa akin doon.
Bumalik sa kalampag ang gym, pero hindi na gaya kanina. Tahimik 'yung mga bata, nakatingin.
Lumapit si Papa sa heavy bag kung saan nasa pulang gloves si Bunso.
"Paminaw, Dong," sabi ni Papa. "Isang tunog lang ang malinis na suntok. Pag dalawa, mali ang kamao mo."
Tumama si Bunso. Pak. Isa.
"Ayan."
Sumakay si Bunso sa ring, tatlong round ng sparring. Hindi kumurap si Bayani. Hindi siya umupo. Nakatayo lang siya sa gilid, nakatingin sa kaliwang kamay ng bata, 'yung southpaw na timing na kahit ako, nanlalaki pa rin ang mata kapag nakikita.
Pagkatapos, lumabas ako sa ilalim ng yero sa labas. Sumunod siya. Patak-patak pa 'yung tubig sa gilid mula kaninang ulan.
"Sir," sabi ko. "Sabihin n'yo na po. Ano ang sisingilin n'yo?"
"Si Bunso ang kailangan ko."
Nanigas ako. Doon talaga ako natakot.
"Sir, menor de edad po 'yang bata. Walang laban—kahit amateur—na walang pirma ng guardian niya. At si Papa ang guardian niya."
Tumango siya, parang alam na alam na niya 'yon bago pa ako magsalita.
"Walang laban si Bunso na hindi ko alam," sabi niya. "'Yon lang ang singil ko."
"Hindi mo makukuha ang bata."
"Dili." Tumingin siya sa akin nang diretso. "Hindi ko siya kukunin."
"Eh bakit? Bakit n'yo po siya babantayan? Ano'ng pakialam n'yo sa amin?"
Hindi siya sumagot.
Sa halip, tumango siya sa bantay. Pumasok 'yung matanda na may bitbit na cooler, inilapag sa tabi ng ring, binuksan. Inihaw na tuna, nakabalot sa dahon ng saging, mainit pa, amoy asin at uling.
"Kaon una," sabi ni Bayani.
Sumigaw 'yung mga bata. "Angas, Boss!" Nagkandarapa sila sa cooler, basang-basa pa ng pawis, hindi man lang naghugas.
Ako, nakatayo pa rin doon, may tanong na hindi sinagot at tuna sa kamay ko.
Paglabas niya, tumawid 'yung bantay sa kabila ng kalsada. Pinarada 'yung tricycle niya sa tapat ng gym, binuksan 'yung supot ng nilagang mani, at umupo. Parang doon na siya titira.
Pumasok ako ulit. Nginuya ko 'yung isda na parang galit ako sa isda.
"Ate."
Si Bunso, nakalapit na pala, hawak ang phone, mamantika pa 'yung daliri.
"Ate, tingnan mo 'to."
Isang linya lang sa screen.
"Abellera Fight Club: Gusto ka naming i-sponsor sa qualifiers."
Nabasa ko 'yung apelyido. Tapos binasa ko ulit.
Abellera.
Kilala ko 'yang pangalan. Kilala ko 'yang ngiti. Kilala ko 'yang kamay na laging malinis.
Si Jonas. 'Yung lalaking muntik ko nang pakasalan.