Kabanata 4
Nawala ko siya sa gitna ng mga puntod.
Madilim. Tumakbo ako hanggang sa pader, hanggang sa huling hanay ng mga krus, at wala. Walang yabag, walang anino. Hangin lang at amoy ng basang damo. Pagbalik ko sa lomihan, basa ang laylayan ng apron ko sa hamog, at nasa bulsa ko pa rin 'yung guwantes.
Ikaapat na misa na noong nangyari 'yung pangalawang bagay.
Pagkatapos ng misa, dumating si Inang — si Nanay ni Del — para sa mangkok niya. Tuwing Simbang Gabi, lomi, walang chicharon, maraming sabaw. Pero kakaiba siya noong umagang 'yon. Magaan ang mukha.
"Ineng," sabi niya habang umuupo, "alam mo ba 'yung butas sa bubong ko sa may kusina? Yung tumutulo mula pa noong Agosto?"
"Opo. Sabi n'yo nga po."
"Ayos na. Isang gabi lang. Pagising ko, tuyo na ang sahig." Sumimsim siya ng sabaw. "May anghel yata ako, ineng."
Nanigas ako sa harap ng kawa. Tapos pinunasan ko ang kamay ko, kinuha 'yung guwantes sa bulsa, at inilapag sa mesa sa harap niya.
"Inang. Nahulog po 'to kagabi sa may simbahan. May nagligtas po sa parol."
Tiningnan niya. Hindi nagulat. Binaliktad niya nang isang beses, pinagdaanan ng hinlalaki 'yung dalawang letrang nakasulat sa cuff, tapos ibinalik sa akin.
"Maraming R.D. sa Batangas, ineng."
"Pero po—"
"Masarap ang lomi mo ngayon. Mas malinamnam kaysa kahapon."
Wala siyang itinanong. Ni isa. Hindi niya tinanong kung kumusta ang anak niya, kung may tumawag, kung may balita. Anim na taon, tuwing dumarating siya rito, 'yon lagi ang unang tanong niya.
Pero noong umagang 'yon, habang kumakain siya, nakatingin siya sa labas ng bintana. Sa itaas. Doon sa burol kung saan ang kapehan.
Hindi ko pa natatanong ulit nang pumasok ang Engineer.
Siya 'yung nagpa-townhouse sa kabilang barangay, pabalik galing Dubai, regular na rito mula pa noong Oktubre. Siya rin ang nagbayad ng lomi ng lahat ng volunteer kagabi, hindi man lang nagpahalata. Malinis ang polo. Amoy pabango sa lugar na amoy usok.
Hindi siya umupo. Nilapitan niya si Lola sa may kahera, at nagsalita nang malakas — sapat para marinig ng lahat ng kumakain.
"Lola, good morning po. I'd like to ask your permission. Gusto ko pong manligaw kay Analyn."
Natahimik ang buong lomihan. Kahit 'yung mga tricycle driver, tumigil sa paghigop.
Ngumiti si Tita Remy nang napakalapad, at bumilis ang abaniko niya. "Aba, Engineer, mabait kang bata. Maupo ka nga."
Tumingin sa akin si Lola. Hindi siya sumagot. Ibinato niya sa akin.
Nakapatong pa rin ang kamay ko sa bulsa ng apron, sa ibabaw ng guwantes.
"May boyfriend po ako, Engineer," sabi ko.
Hindi siya nainsulto. Tumango lang siya, parang inaasahan niya 'yon. "Who doesn't come home."
"Engineer—"
"I'm not being cruel, Analyn. Six years is a long time. Nandito ako every morning, nakikita ko kung paano ka maghintay." Inilapag niya ang bayad sa counter, maingat, hindi pinapatong sa kamay ko. "I'm not asking for an answer today."
Kinuha niya ang sukli, tapos tumingin sa akin.
"I'll wait until the ninth mass, Analyn. If he isn't beside you by then, spend Noche Buena with my family."