Kabanata 4
Alas-singko ng umaga, umakyat si Kuya Guard na may dalang thermos.
"Buksan natin 'yung pantry ng staff," sabi niya, habang kinakalikot ang susi. "Pasensya na, hindi ko po alam ang password ng coffee machine. Pero may tubig na mainit ako. Importante 'yon sa buhay, 'yung mainit na tubig at 'yung taong hindi ka iniiwan."
Maliit ang pantry. May isang maliit na mesa, dalawang plastic na upuan, at isang bombilyang patay.
"Isa lang ang cup noodles diyan, iha. Hatian niyo."
Iha. Ma'am ako sa kanya kanina. Ngayon, iha.
Isang tinidor din lang ang nakita namin sa drawer. Isa.
"Fill it to the line," sabi ni Torralba habang binubuhusan ko. "Then three minutes. Don't stir it before three minutes."
"Mali ka."
"I've made this exact brand—"
"Mali ka," ulit ko. "Haluin mo agad 'yung powder bago mo buhusan, kung hindi, mabubuo 'yan sa ilalim. Lagi. Tinatamad ka lang basahin ang likod."
Tiningnan niya ang cup. Tapos ang likod ng pakete. Tapos ako.
"...You're right."
"Ano 'yon? Hindi ko narinig."
"You're right," ulit niya, at hindi man lang siya nanlaban. Napuno ang maliit na kuwarto ng amoy ng sabaw at ng ulan sa labas.
Iniabot niya sa'kin ang tinidor. Isang subo ako, tapos ibinalik ko. Isang subo siya, tapos ibinalik niya. Ganun, paulit-ulit, parang may sariling ritmo kaming dalawa na walang nagturo.
"Dios mabalos," sabi ko, sa noodles. Hindi sa kanya. Sabi ko sa sarili ko, sa noodles 'yon.
Tumingin siya sandali, pero hindi nagtanong.
Tapos siya ang nagsalita, at hindi ko inasahan.
"I'm from Marikina."
"Alam ko."
"I was nine." Nakatingin siya sa cup, hindi sa'kin. "The water came up the street at night. I saw it from the window. I counted—it covered one step every few minutes. I told my parents. Then I told my Tita. Then I told the man next door."
Tumigil ang tinidor sa kamay ko.
"Nobody believed a nine-year-old. They said it always stops at the corner. It did not stop at the corner. We spent two days on the roof. The house was gone when we came down. Not damaged. Gone."
Sabaw lang ang tunog. At ulan.
"Nobody listens to a nine-year-old," sabi niya. "So I learned to be right."
Hindi ko alam kung saan ko ilalapag ang tinidor kaya inabot ko na lang sa kanya.
"Kaya mo ba ako laging kinokorek?" tanong ko. "Sa Methods. Sa Lit. Sa lahat."
Kinuha niya ang tinidor. Sandali niyang hinawakan, hindi kumakain.
"No," sabi niya. "That's a different reason."
"Anong—"
Vumibrate ang phone ko sa mesa.
Roommate ko.
"Bes nasa hagdan na tubig, pinaakyat kami ni Manang. lowbat na ako—"
Putol. Walang tuldok.
Tinawagan ko agad. Isang ring. Tapos 'yung boses ng operator na parang nagmamadali: ang numerong iyong tinatawagan ay hindi mapagsilbihan sa ngayon.
Tinawagan ko ulit. Ganun pa rin.
Tinawagan ko ng pangatlong beses, at sa pangatlo, hindi na ako naghintay sa kalahati ng sinasabi.