Skip to content

Ang Anak sa Labas ang Tagapagmana

Kabanata 4

Tatlong araw pagkatapos ng board meeting, nasa pagawaan ako sa Santa Lucia, puno ng alikabok ng capiz ang hangin.

Season na. Nakasabit sa kisame ang mga balangkas, walo, siyam, umiikot nang mabagal kapag may dumaan. Puro alambre at putol na kahoy sa sahig. Ang pinakamalaking frame namin, nasa gitna, nakatihaya pa rin na parang hayop na natutulog.

Hindi pa rin ako nakakapunta sa libingan niya. Araw-araw kong iniisip 'yon habang nagtatali ako ng alambre.

Alas-diyes ng umaga nang pumasok ang isang pickup sa eskinita.

Bumaba si Nathan Lacsamana. Walang barong ngayon, puting polo, nakatupi ang manggas hanggang siko. May dalang folder.

Doon ko unang nakita nang maayos ang peklat sa kanang braso niya. Mahaba, kulubot, mula sa pulso hanggang halos sa siko, mas maputla kaysa sa balat niya. Nakita niyang nakatingin ako.

"Smokehouse," sabi niya, parang sinasabi ang oras. "Nineteen ako. Your father drove me to the hospital himself. He didn't wait for the ambulance."

Wala akong naisagot.

Mula sa likod, sumigaw si Mang Eddie habang may hawak na martilyo. "Atsi Mela! Masanting ya!"

Humalakhak ang buong pagawaan.

Tumingin sa akin si Nathan. "What did they say?"

"Sabi nila, late ka."

Tumango siya, seryoso. "Traffic sa highway." Mas lalong humalakhak ang mga tao, at hindi niya alam kung bakit.

Inilapag niya ang folder sa mesa na may capiz. December payroll. Delivery schedules. Lahat kailangan ng dalawang pirma.

Habang binubuklat niya, may isa akong papel na isiningit ko sa gitna. Kagabi ko pa 'yon ginawa, sa likod ng resibo ng alambre, tapos nilinis ko sa computer sa barangay.

Nabasa niya. Huminto ang kamay niya.

Memo. Babawiin ng kompanya ang Bahay Gozum. Palilipatin ang Señora.

"No."

"Fifty-one percent ako."

"And I'm the other signature."

"Pipirmahan mo rin 'yan."

Tiniklop niya ang papel sa apat, dahan-dahan, at isinilid sa bulsa ng polo niya. Hindi niya ibinalik.

"Noted."

Tapos inilapag niya ang ballpen sa harap ko at pumirma kami ng payroll, magkatabi, parehong nakayuko sa iisang mesa. Dalawang beses tumama ang siko namin. Hindi ko sinabi.

Paalis na siya nang lumingon siya kay Ima, na naglalagari ng capiz sa sulok.

"One small white parol, Ma'am. For the twenty-third. Same as every year."

Nabitawan ni Ima ang hawak niyang capiz. Lumapag 'yon sa sahig, buo, salamat naman.

"Opo, Sir," sabi niya.

Umandar ang pickup. Nakatayo ako sa pinto hanggang mawala ang alikabok.

"Ima."

Pinulot niya ang capiz. "Alam mo 'yang order na 'yan, Mela. Simula fifteen ka, ikaw na ang gumagawa."

"Alam ko po."

"Wala pong kulay 'yan. Walang rotor." Pinunasan niya ang kamay niya sa apron. "Hindi 'yan sumasayaw. Nagniningning lang."

Tumayo ako doon, ang tagal.

Labintatlong taon. Tuwing Disyembre, may pumapasok na order para sa isang maliit na puting parol para sa ikadalawampu't tatlo. Ako ang gumagawa. Ako ang nagbabalot. Ako ang naglalapag sa mesa sa harap.

Hindi ko kailanman nakita ang mukha ng kumukuha.

Ngayon ko lang nakita.

Pumasok ako sa likod. May nakapatong doon sa estante, nakabalot sa diyaryo—'yung maliit na parol na ginawa ko noong gabi ng burol. Hindi ko sinabi kahit kanino kung para kanino 'yon.

Kinuha ko. Kinuha ko rin ang susi ng motor sa pako sa pinto.

"Mela?" tawag ni Ima.

"Pupunta ako sa sementeryo. Ngayong gabi."