Kabanata 5
Alas-onse ng gabi nang pumasok ako sa sementeryo.
Sarado na ang malaking gate, pero may butas sa bakod sa gilid na alam ng lahat ng taga-Santa Lucia. Hawak ko ang maliit na parol, nakabalot pa rin sa diyaryo, at ang flashlight ng motor ko.
Malayo pa lang, may ilaw na sa plot ng mga Gozum.
Nakaluhod si Nathan sa tabi ng mausoleo, sa harap ng isang maliit na puntod na hindi ko napansin kanina sa labas ng rehas. May hawak siyang maliit na lampara, inaayos ang alambre nito.
Tumayo siya nang marinig ang yabag ko.
"Bawal ka rito."
"Hindi mo ako mapipigilan, Lacsamana."
Tumingin siya sa parol sa kamay ko. Sa tape sa mga daliri ko. Tapos umusog siya sa gilid ng daanan.
"He'd want you here."
Naglakad ako papunta sa mausoleo. Bago pa ang marmol. Nakaukit ang pangalan ng tatay ko, puti pa ang mga letra, parang hindi pa tapos ang pintura.
May bakal na kawit sa gilid. Doon ko isinabit ang parol. Pinihit ko nang kaunti hanggang tumama ang gilid sa bato at tumigil sa pag-ikot.
"Tatang," sabi ko.
Hindi ako umiyak. Parang mas maganda kapag walang drama sa lugar na ganito.
"Dalawampu't walong birthday po. Hindi ka dumating kahit isa."
Hinihimas ko ang gilid ng parol habang nagsasalita ako. Gawain ng kamay ko kapag wala akong alam na gawin.
"Alam ko po ang kalendaryo n'yo. Alam ko po na nasa San Fernando kayo tuwing Pasku. Hindi po malayo ang Santa Lucia. Labinlimang minuto lang sa kotse."
Tahimik ang hangin. May aso sa labas ng bakod.
Matagal bago may nagsalita si Nathan sa likod ko.
"He kept your school photos in his desk. One every year."
Tumigil ang kamay ko sa parol.
"Nanu?"
"Sa ilalim na drawer. Hindi niya 'yon ipinapakita. Pero nakita ko, more than once."
Hindi ako lumingon. Natatakot akong kung lumingon ako, hindi na niya tatapusin.
"Grade one hanggang college?"
"I think so."
Tumango ako, kahit wala namang nakakakita.
Tapos saka ko lang talaga napansin ang maliit na puntod sa tabi, 'yung inaayusan niya kanina. Mas mababa sa tuhod. May lumang parol na nakasabit sa ibabaw nito, puti, kupas na ang papel.
Humakbang ako papunta roon.
"Carmela, wait."
Unang beses niya akong tinawag sa pangalan ko. Natigilan ako sa gitna ng hakbang.
Hinawakan niya ang pulso ko. Mainit ang palad niya, magaspang sa gilid.
Hinila ko. Binitawan niya agad, parang napaso, at itinaas ang dalawang kamay niya nang bahagya.
"Sorry."
Hindi ko siya sinagot. Umikot ang hangin at kumalampag ang lumang parol sa itaas.
Lumuhod ako sa harap ng maliit na puntod. Makapal ang alikabok sa bato, kulay abo, halo ang putik ng ulan noong isang linggo. Pinunasan ko gamit ang gilid ng palad ko.
Sa ilaw ng flashlight, nakita ko ang tali ng lumang parol sa itaas. Doble, tapos pinihit paloob, tapos sinilid ang dulo sa likod ng kawit.
Buhol ko 'yon. Ganoon lang ako magtali. Walang ibang gumagawa niyan sa pagawaan namin.
Bumalik ang kamay ko sa bato. Pinunasan ko pa.
Lumitaw ang mga letra, isa-isa.
MA. CARMELA GOZUM.
At sa ilalim, isang petsa lang. Hindi dalawa. Isa, para sa kapanganakan at sa kamatayan.
Bisperas ng Pasko, dalawampu't walong taon na ang nakalipas.
Ang birthday ko.
