Skip to content

Ang Lihim ng Academia Diwata

Kabanata 5

Bumukas ulit ang hamog para sa akin.

Walang ingay. Walang hangin. Hinati lang 'yung puting pader na parang kurtina sa dalawang hakbang ko, tapos nasa kabila na ako, sa ilalim ng mga pine, at ang lamig doon ay hindi lamig ng Baguio. Lamig 'yon na kumakagat sa loob ng buto.

Sinundan ko 'yung tibok.

Nakita ko siya sa paanan ng isang puno. 'Yung first-year ng Hanay Buwan, nakahiga sa mga tuyong karayom ng pine, nakapikit, puti ang labi. Nilapitan ko siya. Nanginginig ang kamay ko habang hinahanap ko kung humihinga pa siya.

Humihinga. Mabagal, pero humihinga.

"Uy. Gising. Hoy, bunso."

Wala. Hinubad ko 'yung dilaw kong hoodie at ibinalot ko sa kanya. Ipinasok ko pa 'yung mga kamay niya sa manggas, parang bata.

"Fifty pesos 'to, ha," bulong ko. "Kaya mabuhay ka."

"Sinabi kong manatili ka!"

Si Alon, mula sa mga puno, nakayapak sa karayom ng pine, at sa unang pagkakataon ay may galit sa boses niya.

Pero hindi na siya nakalapit.

May lumabas sa likod ng mga puno. Matangkad, mali ang mga kasukasuan, at nakatiklop sa likod ang mga pakpak na parang basang tela.

Hindi ako nakahinga.

Itinaas ni Alon ang palad niya at sumabog ang liwanag—sobrang liwanag na umatras 'yon, umaalong parang usok ang balat nito. Napaatras ito ng isang hakbang.

Isa lang.

Tapos umabot ang kuko nito sa tagiliran niya.

Bumagsak si Alon.

"Alon!"

Hindi ko inisip. Lumabas lang sa akin ang pangalan niya na parang matagal nang nakatago sa dibdib ko.

At namatay ang lahat ng ilaw sa bundok.

'Yung ilaw sa palad niya. 'Yung mga parol sa itaas ng dalisdis. Pati 'yung buwan, parang may nagtakip. Isang itim na walang hugis, walang hangganan.

Pero nakikita ko.

Nakikita ko lahat. 'Yung bawat karayom ng pine. 'Yung dugo sa tagiliran ni Alon. 'Yung pilik-mata ng first-year sa loob ng dilaw na hoodie. Parang buong buhay kong nakasalamin ako ng maling grado, tapos ngayon lang inalis.

At tumigil 'yung aswang.

Itinaas nito ang ulo. Suminghot, isa, dalawa—sa direksyon ko.

Tapos umatras.

Hindi ito tumakbo. Umatras ito nang dahan-dahan papasok sa mga puno, nang nakaharap pa rin sa akin, na parang may nakilala.

Nanginginig ang tuhod ko. Umupo ako sa tabi ni Alon at idiniin ko ang palad ko sa tagiliran niya.

Tapos may nagsalita sa likod ko.

Mula sa hamog. Malalim na boses, pagod, at ang lapit—parang isang dipa lang, parang kung aabot ako ay mahahawakan ko.

"Anak."

Lumingon ako nang pabalikwas.

Hamog lang. Puti. Walang tao, walang anino, walang kahit ano.

"Anak." Mas mahina na. "Huwag kang magtitiwala sa La—"

Sumabog ang pula sa paligid ko—mga sulo, bumababa mula sa dalisdis, tumatakbo sa pagitan ng mga pine, at ang mga tinig ng mga bantay ng Lakan ay maikli at pautos—at sumara ang hamog sa kalagitnaan ng salita.

Dalhin mo ang kuwento kahit saan

I-download sa App StoreKunin sa Google Play

I-scan gamit ang camera ng phone mo