Skip to content

Ang Pasaherong Naka-Puti

Kabanata 5

Ala-una kwarenta y singko ng madaling-araw, habang nakapila ako sa gilid ng Quezon Ave., umilaw ang phone ko sa dashboard.

Si Victor. Isang linya lang.

"Ni-lock ni Papa ang gate. Huwag kang pupunta nang mag-isa."

Tiningnan ko 'yung mensahe nang matagal. Tapos tiningnan ko 'yung photocopy sa sun visor—'yung mukha ng lola niya, nakatitig sa'kin mula sa gusot na papel.

Pumunta ako nang mag-isa.

Alas-dos. Gate ng lumang wing. Kumaway siya. Bumukas ang pinto, pumasok ang amoy ng alcohol, at umupo siya na parang laging ganoon ang gabi.

"Sa Balete ho, Mama." Sandali siyang tumahimik. "Hinihintay ako ng anak ko. Tatlong taon pa lang siya."

Hindi ako sumagot. Anim daw siya noong 1957, sabi ni Victor. Pero sa kanya, tatlo pa.

Pagdating namin sa puno, huminto ako. "Bayad ho." Bumukas ang pinto, sumara.

Alam ko ang batas. Umalis agad. Huwag lilingon. 'Yung driver noong eighties, lumingon, at sa poste natapos.

Hindi ako umandar.

Hawak ko 'yung manibela nang dalawang kamay. Pinatay ko 'yung makina. Nawala 'yung ugong at ang lakas ng katahimikan, grabe.

"Sige, Uno, kaya natin 'to," bulong ko.

At lumingon ako.

Nandoon siya sa bangketa, puti ang buong tayo niya sa dilim, 'yung sombrero niya halos kuminang. Akala ko lalakad siya pakanto, papasok sa isang bahay, kung saan man siya nakatira noong buhay pa.

Hindi. Pumasok siya sa loob ng mga ugat ng balete.

Lumuhod siya. Parang may hinahanap sa lupa.

Tapos wala na.

Bumaba ako. Hindi ko naramdaman 'yung paa ko hanggang nasa lupa na ako. Binuksan ko 'yung flashlight ng phone ko at pumasok sa pagitan ng ugat, yuko, nakakapit sa kahoy na kasing-lamig ng gripo sa umaga.

Sa ilalim ng mga ugat, may semento. Luma, basag, lumubog na sa lupa—parang sahig na kinain ng puno. At nakabaon doon, kalawangin, may bilog na argolyang bakal. 'Yung klaseng hawakan ng takip.

Amoy lupa. Amoy ulan. At—hindi ko gagawin 'to kung hindi totoo—amoy rubbing alcohol.

May sumilay na ilaw sa pader. Headlights.

Namatay 'yung flashlight ko sa isang pindot at napaupo ako sa likod ng pinakamalaking ugat.

Itim na kotse. Tumigil sa tapat ng puno. Bumaba 'yung isang lalaki, tahimik, at binuksan 'yung likod. Hinila niya palabas ang wheelchair, binuksan, at may inalalayang matanda.

Nakita ko 'yung mukha nang dumaan sa ilaw ng kotse.

'Yung mukha sa portrait sa garahe. 'Yung nasa dingding, sa itaas ng dispatcher's window, nakatingin sa'min tuwing kukuha kami ng susi.

Tatang. 'Yung nagtayo ng Tala Taxi. 'Yung may-ari ng bawat taxing hinawakan ko. 'Yung sabi nila noon pa, matanda na't may sakit, 'di na lumalabas.

Ngumiti siya sa caretaker niya para magpasalamat, at kumislap 'yung ginto sa ngipin niya.

Itinulak siya ng caretaker papasok sa pagitan ng ugat, dahan-dahan, sanay. Parang hindi 'to unang beses. Parang hindi 'to ikasampu.

Sa harap mismo ng argolyang bakal, huminto sila.

May inilabas si Tatang sa bulsa niya. Kandila. Sinindihan ng caretaker, at idinikit sa semento sa tabi ng kalawang.

Yumuko 'yung matanda. Ang hina ng boses niya, pero sa ganoong katahimikan, dumating lahat sa'kin.

"Amparo. Patawarin mo na ako."

Hindi ako humihinga. Nakakapit ako sa ugat na parang bata sa kandungan ng nanay niya.

Tapos may nakita ako sa likod ng wheelchair.

Nakatayo siya roon. Ang pasahero ko. Puti. Diretso ang tingin sa'kin, hindi sa matanda, hindi sa kandila—sa'kin.

At itinaas niya ang isang daliri sa labi niya.

Dalhin mo ang kuwento kahit saan

I-download sa App StoreKunin sa Google Play

I-scan gamit ang camera ng phone mo