Skip to content

Bawal Pumasok sa Room 13

Kabanata 3

Alas-onse kwarenta ng gabi, bumaba ako para mag-refill ng tubig. Nasa hagdan pa lang ako nang marinig ko 'yung tawanan sa labas ng gate.

'Yung floor head, kasama 'yung tatlong babae mula 1-A, galing Boulevard, hawak-hawak 'yung mga sandals nila. Sarado na ang gate. Alas-diyes pa lang, sarado na 'yon.

Lumabas si Dodong mula sa guardhouse, binuksan ang padlock, at pinapasok sila. Walang sabi. Tapos bumalik siya sa counter, binuksan ang logbook, at sumulat. Pangalan. Oras.

"Excuse me," sabi n'ung floor head, nakasandal sa counter, naka-ngiti pa. "Erase that. Lolo owns this place."

Hindi siya tumingala. Tinapos niya 'yung linya. Ballpen, hindi lapis.

"Ang oras, dili mausab, Ma'am."

Ang oras, hindi nagbabago. Walong salita lang, pero biglang walang umimik sa tatlong kasama niya. May isang tumingin sa sahig.

Doon niya ako nakita sa hagdan, hawak ang bote ko ng tubig.

"Scholar." Ngiting-ngiti siya pabalik. "Listening ka pala."

Nakipagsabayan ako sa hagdan paakyat, pero mas mabilis siya. Hinablot niya 'yung codal ko. Dumulas 'yung dilaw na papel.

"Ay. What's this?"

"Ate, akin 'yan."

Binuksan niya. Tumaas 'yung boses niya, ginawa niyang malambot at nanginginig, 'yung paraan ng pagsasalita ng mga tao kapag ginagaya nila ang multo sa pelikula.

"Ikaaaw ang unang hindi tumakbooo. Huwag kang aaaalis..." Tumawa 'yung tatlo. "Like, seriously na. Sino'ng sumusulat ng ganito? It's fine naman kung may boyfriend ka, Scholar, pero at least 'yung marunong mag-English."

Inabot ko. Itinaas niya 'yung papel, tapos binitawan sa ibabaw ng banister.

Lumipad 'yon pababa, paikot-ikot, hanggang sa marble ng lobby.

Umalis sila, tawanan hanggang hallway. Nanatili ako sa hagdan, nakatingin sa ibaba.

Pinulot ni Dodong 'yung papel. Hindi niya binuksan agad. Tapos binuksan niya, at tiningnan 'yung violet na tinta.

May nangyari sa mukha niya. Hindi takot. Parang isang bagay na matagal na niyang hinihintay at ayaw niyang dumating.

Umakyat siya sa unang baitang. Doon siya tumigil, gaya ng dati. Hangtod ra ko diri.

Bumaba ako hanggang sa ikalawang baitang mula sa ibaba. Itinaas niya 'yung papel. Inabot ko. Halos magkadikit 'yung mga daliri namin, ang lapit na pwedeng madampi, pero hindi — hinila niya 'yung kamay niya pabalik, mabilis, na parang mainit ang papel.

"Ayaw ni ipakita bisan kinsa."

Huwag ko raw ipakita kahit kanino. Tumango ako. Umakyat ako nang hindi lumilingon, kasi alam kong nakatingin pa rin siya.

Sa Room 13, tinupi ko 'yung sulat at ipinasok sa gitna ng codal ko. Tapos, hindi ko alam kung bakit, binuksan ko 'yung drawer ng desk.

May nakahiga doon na lumang pluma. Fountain pen. Bukas ang takip, hiwalay. Sa dulo ng nib, may natuyong violet — pero hindi tuyong-tuyo. Kumapit sa daliri ko.

Ibinalik ko sa drawer. Isinara ko. Tapos binuksan ko ulit para tingnan kung nandoon pa.

Nandoon pa.

Alas-tres kinse, gising na ako bago pa tumunog ang kahit ano.

Pumasok ako sa banyo. Tuyo ang shower. Tuyo ang gripo. Pero unti-unting umuusok ang salamin mula sa gitna palabas, parang may humihinga sa likod n'on.

Lumitaw ang mga letra. Pahilig. Luma.

Tulungan mo ako.

Sabi ni Dodong, huwag kong sagutin. Dalawang beses niyang sinabi. Alam kong tama siya.

Itinaas ko 'yung hintuturo ko at isinulat sa ilalim ng hamog:

"Sino ka?"