Skip to content

Bawal Pumasok sa Room 13

Kabanata 4

Pagkagising ko kinaumagahan, 'yung "Sino ka?" ko, tuyo na, nakaukit na parang gasgas sa salamin.

Sa ilalim n'on, may isang salita sa luma, basang mga guhit.

Estrella.

Umupo ako sa gilid ng lababo. Binuksan ko 'yung codal ko sa desk. May bagong dilaw na papel sa pagitan ng mga pahina, hindi 'yung kahapon.

"Ako'y si Estrella. Labing-siyam na taon. Hindi na ako nakalabas sa silid na ito mula pa noong 1975, sapagka't may hindi pa natatapos. — E."

Labing-siyam. Mas bata pa sa 'kin ng dalawang taon.

Kumatok 'yung taga-Room 12, 'yung nursing student mula Bukidnon, naka-uniform na pang-program.

"Day Pearl! Bilis, mandatory gani 'yung Founder's Day. Mag-i-standing kami sa lobby, kuan, parang parada."

Nakapila ang buong dorm sa lobby, sa ilalim ng portrait ng Founder. Naka-cardigan pa rin ang matron, mas naka-butones pa yata kaysa dati.

Dumating siya nang alas-nuwebe. Pitumpu't lima, may tungkod, maputing-maputi ang buhok. Bago pa siya umabot sa pintuan, naamoy ko na — pomada, 'yung luma, 'yung matamis, 'yung naiiwan sa hangin kahit wala na ang tao.

Ang Chairman.

Maikli lang ang sinabi niya. Thank yous. Ang Founder, ang ina niya, ang pangarap daw niya para sa mga babaeng mag-aaral. Tapos:

"One small matter, ladies. Balay Dalaga comes down the day after Undas. Every resident must be out before then. The new dormitory is ready."

Narinig ko 'yung buong lobby na humigop ng hangin nang sabay.

Kumuha siya ng papel sa katulong niya. Room list. Binasa niya nang dahan-dahan, parang misa. Pagdating sa dulo, tumigil siya.

"Who put this girl in Thirteen?"

Tahimik. Tapos, mula sa harap, 'yung floor head, matamis ang boses: "There was no other bed, Lolo."

Tumingin sa 'kin ang Chairman. Mabait ang mukha niya. Doon ako kinabahan.

"Come forward, my dear."

Lumapit ako. "Pearl po, Sir."

"There is a bed waiting for you in the new dormitory, Pearl. Aircon. Study desk. With my compliments."

Nanonood ang lahat. 'Yung floor head, nakataas ang phone, nagre-record. Alam ko. Alam ng lahat.

"Noted po, Sir." Ngumiti ako, 'yung ngiti na tinuro sa 'kin ni Mama. "Pero dito pa rin po ako sa Room 13."

May ilang segundong walang nagsalita. Tapos tumango siya, dahan-dahan, na parang sinusulat niya ako sa isang listahan sa utak niya.

Sumiksik sa tabi ko 'yung taga-Room 12 habang nagpapalakpakan.

"Day Pearl," bulong niya. "Gi-tan-aw ka n'ung guwardiya buong program. Grabe. Wala siyang tinitingnan kundi ikaw. Hindi man lang niya tinapunan ng tingin ang Chairman, uy."

Lumingon ako sa gate.

Nakatayo si Dodong doon, hawak 'yung logbook sa dibdib niya na parang kalasag. Hindi nga niya ako tinitingnan ngayon — nakatingin siya sa Chairman. At 'yung mukha niya, hindi ko pa 'yon nakita kahit kailan, kahit nang binasa niya 'yung sulat kagabi.

Umakyat ako habang naglalabasan ang mga tao. Nasa landing pa lang ako nang marinig kong may tumigil sa ibaba.

Ang Chairman, sa paanan ng hagdan. Nakatungkod. Nakatingala, matagal, sa itaas ng hagdan, na parang may hinihintay siyang bumaba.

Lumapit ang matron. "Sir."

Hindi ako gumalaw. Umabot sa 'kin ang amoy ng pomada niya, pataas.

Sa Tagalog siya nagsalita. Mabagal. Mababa. Hindi ganoon ang boses niya sa programa.

"Siguraduhin mong walang bubuksan sa kwartong 'yan bago dumating ang mga makina."