Skip to content

Boss Kong Hindi Ko Kilala

Kabanata 3

Alas-nwebe ng umaga, nasa field office kami sa siyudad, at puno ang maliit na kwarto ng mga magsasaka mula Sitio Kabasag.

Walo sila. May dalang sumbrero sa kandungan, may naka-tsinelas, may dalang anak. Lease ang pipirmahan nila—'yung lupang uupahan ng kompanya para sa plant. Ako ang interpreter.

Nakaupo si Mateo sa dulo ng mesa, tahimik, hawak ang bolpen na hindi niya ginagamit. Nasa gitna 'yung field office head, naka-barong ulit, ang kinis ng boses.

"Sir Mateo, simple lang po 'to. Pipirma lang sila, tapos na."

Ibinigay niya ang papel sa isa sa mga staff. Tapos, habang nakangiti, sinabi niya sa Bisaya sa katabi niyang tauhan—mabilis, parang biro sa pagitan nilang dalawa:

"Dili sila kabalo mobasa. Kung unsay ipapirma, pirmahan ra."

Tumawa 'yung staff. Walang kumibo sa mga magsasaka.

Alam kong trabaho kong magsalin. Kaya nagsalin ako.

"He said," sabi ko, malakas, sa Ingles, nakatingin kay Mateo, "'They can't read. Whatever you give them, they'll sign it.'"

Tahimik ang kwarto. Namula ang field office head. "Nikki, biro—"

"Verbatim po 'yun, Sir. Trabaho ko po ang magsalin nang tama."

Tumayo si Mateo.

Hindi siya sumigaw. Mas mabagal pa nga siyang magsalita kaysa kanina.

"You're off the project," sabi niya sa field office head. "Effective now. Leave your file."

"Sir, I was only—"

"Now."

Kinuha ng staff ang folder sa kamay ng lalaki. Lumabas 'yung field office head nang hindi tumitingin sa kahit sino.

Tapos humarap si Mateo sa mga magsasaka. Lumipat siya sa Tagalog—maingat, mabagal, 'yung Tagalog niyang parang hinahanap ang bawat salita bago bitawan.

"Pasensya na po. Walang pipirma hangga't hindi naiintindihan."

Walang umimik. Tapos tumango 'yung pinakamatandang magsasaka, dahan-dahan.

Lumingon si Mateo sa akin.

"Nikki. Read it to them. Bisaya. Line by line. Take as long as you need."

"Buong lease po, Sir?"

"Every line."

Kinuha ko ang papel. Naupo siya—hindi sa dulo ng mesa, kundi sa bakanteng monoblock sa tabi ng mga magsasaka, parang isa sa kanila. Nakinig siya ng kwarenta'y singko minutos.

Tumigil ako sa bawat talata. Nagtanong sila. Tinanong nila kung ano'ng mangyayari sa daanan ng baka. Tinanong nila kung sino ang magbabayad ng buwis. Isinalin ko ang sagot, isinalin ko pabalik ang tanong. Isang beses, pinahinto ako ni Mateo at pinaulit ang isang linya kasi hindi raw malinaw.

Nang matapos, pumirma ang walo. Nakangiti 'yung matanda nang ibigay sa akin ang bolpen.

"Salamat, Day."

Sa van pauwi, tahimik kami. Nakatingin siya sa phone niya, nagta-type.

"Your brother," sabi niya bigla. "Did he pass his thesis defense?"

Napalingon ako sa kanya. "Ha po?"

"Last year. You mentioned it in a P.S."

Isang P.S. 'Yun lang. Sa dulo ng isang email tungkol sa flight booking. "P.S. Sir, sorry kung late ako bukas, thesis defense ng kapatid ko." Isang taon na ang nakalipas.

"Pumasa po siya," sabi ko. "Engineering po. Nasa siyudad siya ngayon, umuuwi tuwing weekend."

"Good."

Tumingin ako sa labas ng bintana para hindi niya makita ang mukha ko. Ang init ng pisngi ko at wala namang aircon problem sa van.

Tapos hinawakan niya ang phone niya at ipinakita sa akin ang screen. Calendar. Site visit: Lunhaw.

Bukas.

"You moved Lunhaw. I moved it back. Bukas tayo aakyat, Nikki. You'll interpret."